MANILA, Philippines – Dalawang lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger level” heat index ngayong Martes, Abril 7, ayon sa PAGASA.
Batay sa two-day forecast ng ahensya, posibleng pumalo sa 42°C ang heat index sa mga synoptic station sa San Jose, Occidental Mindoro at Dumangas, Iloilo.
Ayon sa state weather bureau, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay kabilang sa “danger” category, na maaaring magdulot ng mga sakit na may kaugnayan sa matinding init gaya ng heat exhaustion at heat stroke.
Nauna nang inanunsyo ng PAGASA noong Marso 23 ang pagtatapos ng northeast monsoon o Amihan season, hudyat ng pagsisimula ng dry season.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na magsagawa ng mga pag-iingat laban sa heat stress, kabilang ang pananatiling hydrated at pag-inom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration.
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay tumutukoy sa aktuwal na tindi ng init na nararamdaman ng katawan ng tao batay sa pinagsamang air temperature at relative humidity. Anila, pinababagal ng mataas na humidity ang pagsingaw ng pawis, kaya mas nahihirapan ang katawan na magpalamig.
Dagdag pa ng weather bureau, kapag masyadong mataas ang temperatura, maaaring mahirapan ang katawan na kontrolin ang internal temperature nito, na posibleng magdulot ng strain sa mahahalagang organ gaya ng puso at kidneys. Kapag hindi ito naagapan, maaari itong humantong sa heat exhaustion o heat stroke. Santi Celario