MANILA, Philippines – Nagsagawa ang Manila Police District (MPD) nitong Miyerkules ng clearing operation laban sa mga harang sa kalsada, kabilang ang inflatable at tarpaulin swimming pools na nakasasagabal sa daan sa Maynila.
Batay sa ulat, isinagawa ng Raxabago Police Station ang implementasyon ng ordinansa at clearing operation noong Lunes sa kahabaan ng Capulong Street mula Mel Lopez Boulevard hanggang Velasquez Street. Sa operasyon, binuwag ng mga awtoridad ang isang tarpaulin pool at tent na sumasakop sa bahagi ng kalsada.
Kabuuang 27 katao ang inaresto sa naturang operasyon. Sa bilang na ito, 24 ang sinita dahil sa paggamit ng kalsada para sa pribadong layunin, kabilang ang paglalagay ng mga pool at iba pang obstructions. Dalawa naman ang nasita dahil sa paglabas sa pampublikong lugar nang walang damit pang-itaas, habang isa ang sinita dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar.
Dinala ang lahat ng violators sa investigation section ng istasyon para sa documentation at pagsasampa ng kaukulang kaso. Kalaunan ay pinalaya rin sila at ipinagkatiwala sa kanilang mga kaanak.
Kasunod ito ng anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Lunes hinggil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa pag-inom ng alak at pagsusugal sa mga pampublikong lugar, gayundin ng iba pang hakbang para sa pampublikong kaligtasan.
Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na unang ipatutupad ang programa sa Metro Manila bago palawakin sa iba pang pangunahing urban centers sa bansa. Santi Celario