MANILA, Philippines – Muling isinusulong ni SSS-GSIS Pensyonado Party-list Rep. Rolando Macasaet ang agarang pagpasa ng House Bill 8379 na magbibigay ng dagdag benepisyo sa aktibo at retiradong miyembro ng AFP at PNP.
Layunin ng panukala na magbigay ng 20% discount at exemption sa value-added tax (VAT) sa mahahalagang bilihin at serbisyo, katulad ng natatanggap ng senior citizens at persons with disabilities.
Ayon kay Macasaet, kinikilala ng panukala hindi lamang ang kabayanihan ng mga sundalo noon kundi pati ang sakripisyo ng kasalukuyang uniformed personnel.
“Araw ng Kagitingan commemorates the courage and sacrifice of Filipino soldiers during World War II, but it should also remind us of our responsibility to care for the men and women who continue to defend the country today,” aniya.
Saklaw ng diskwento ang pagkain, gamot, serbisyong medikal, transportasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan, alinsunod sa ipatutupad na guidelines.
Binanggit din niya na marami sa mga sundalo at pulis ang may limitadong sahod at pensyon kaya mahalaga ang dagdag na suporta mula sa gobyerno.
“This measure is a simple but meaningful way for the nation to show its gratitude,” dagdag niya.
Umaasa rin si Macasaet na magkakaroon ng katulad na panukala sa Senado upang mapabilis ang pagpasa nito.
“As we honor our heroes this Araw ng Kagitingan, we must also act on measures that will improve the lives of those who serve and have served the nation,” aniya. RNT/MND