Home OPINION GOBYERNO, HIGIT NA PABAYA KAYSA HINDI

GOBYERNO, HIGIT NA PABAYA KAYSA HINDI

114
0

MAG-IISANG buwan at kalahati na ang krisis sa langis na nagbunga ng ibang mga krisis gaya ng pagmahal na rin ng presyo ng lahat ng bilihin at serbisyo ngunit wala pang masasabing mabisang aksyon ang pamahalaan laban sa nasabing mga krisis.

Sa parte ng ehekutibo o Malakanyang, kumikilos naman subalit kulang na kulang ang responde dahil kakaunti lamang sa hanay ng mga mamamayan ang nakikinabang sa mga ayudang ibinibigay.

Kakaunti ang nakikinabang dahil wala sa listahan ng ayuda ang milyon-milyong obrero at middle income earner at iba pang mga mamamayang sakop ng mga panlahatang krisis.

Sa parte ng Senado, medyo nakikisabay sa Malakanyang ngunit paralisado dahil ngayon pa lang din kumikilos sa pagmiting ng iba’t ibang komite ng Kamara.

Hindi makabubuo ang Senado ng sariling panukalang batas at pirmahan ng Pangulo kung walang katapat na panukalang batas mula sa Kamara.

Kung meron mang naunang pagtutulungan ng Kamara at Senado, ‘yun lamang pagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang magdeklara ng State of National Energy Emergency ngunit hanggang ngayon hindi pa nagagamit ayon sa inaasahan ng taumbayan na epektibong makaluluwag sa kalagayan nila na nalulunod na sa krisis.

Wala naman State of National Emergency na sasakop sana sa lahat ng krisis na nilikha ng krisis sa suplay at presyo ng mga produktong petrolyo mula sa diesel, gasoline, kerosene, liquified petroleum gas, aviation fuel, liquified natural gas, fertilizer at iba pa.

HINDI PA RIN MAIPATUPAD

Kahit may State of National Energy Emergency, wala pa ring tunay na pagpapairal nito maliban lang ang paghahanap ng pamahalaan ng panggagalingan ng suplay ng krudo at mga produktong petrolyo ngunit lumilitaw na delikado pa rin ito dahil sa kawalan ng katiyakan ng pinal na pagtatapos ng giyerang United States-Israel laban sa Iran.

Hindi gumagana ang nasabing deklarasyon sa presyuhan ng krudo at produktong petrolyo at kung may pagbaba, halimbawa, bukas, nakabatay ito sa kagustuhan ng mga kompanya ng langis at paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Ang inaasahan sa National State of Energy Emergency ay ang pakikialam ng gobyerno sa operasyon ng mga kompanya ng langis, lalo na sa pagpepresyo ngunit hindi magaganap ito dahil walang aksyon ang gobyerno sa paggalaw sa Oil Deregulation Law.

Sa nasabing batas, walang kapangyarihan ang gobyern na magdikta ng presyo kundi ang mga kompanyang langis lamang.

Darating na rin ang araw na takda ng pag-iral ng suspensyon o pagbabawas ng Excise Tax na P10 sa bawat litro ng gasolina, P6 sa diesel, P3 sa kerosene at P3 sa bawat kilo ng LPG ngunit wala pang malinaw na aksyon ang pamahalaan dito.

Wala ring marinig na aksyon sa suspensyon o pagbabawas sa value added tax na 12% bawat litro ng mga produktong petrolyo.

Kung magkaroon sana ang pamahalaan ng yagbols na galawin ang Oile Deregulation Law, Excise Tas Law at VAT, malaki sanang kaginhawaan ang darating at bababa rin ang mga presyo ng mga bilihin.

Ano na ang nangyayari?

Anak ng tokwa, inuuna pa nila ang impeachment kaysa solusyunan ang paghihirap ng lahat ng Filipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here