MANILA, Philippines – Kaabang-abang ang magiging anunsyo ngayong araw ng Lunes, Abril 13, ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa kung babawasan ba o sususpindehin ang excise tax sa fuel products.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, makabubuting abangan ang magiging desisyon ng Pangulo ukol na una ng sinabi ng Malakanyang na masusing pinag- aralan at tinimbang ang lahat bago magbaba ng kapasiyahan kung babawasan ba o isususpinde ang excise tax sa produktong petrolyo.
Nauna ng sinabi ng Malakanyang na life blood kung maituturing ang buwis na siyang tumutustos sa mga proyekto at programa ng pamahalaan kaya’t marapat lang na balansehin ang mga opsiyong magsisilbing desisyon sa pagsususpinde ba o pagtapyas sa excise tax.
Matatandaang, tinintahan ni Pangulong Marcos ang batas na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
Ito ay sa ilalim ng Republic Act No. 12316, na nag-amyenda sa National Internal Revenue Code upang payagan ang Pangulo na na pansamantalang bawasan o alisin ang buwis sa langis sa panahon ng mataas na presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Batay sa batas, maaaring gamitin ang kapangyarihang ito kapag umabot o lumampas sa 80 dolyar kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.
Maaaring ipatupad ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa piling produktong petrolyo, at maaari itong maging full suspension o partial reduction depende sa sitwasyon.
Gayunman, nililimitahan ang bisa ng bawat implementasyon sa loob ng tatlong buwan, ngunit maaari itong palawigin kung kinakailangan, basta’t hindi lalagpas sa isang taon.
Nakasaad din na awtomatikong ibabalik ang excise tax sa dating antas kapag bumaba ang presyo ng langis o matapos ang itinakdang panahon.
Inaatasan din ang pamahalaan na magsumite ng regular na ulat sa Kongreso hinggil sa epekto ng suspensyon ng buwis, kabilang ang epekto nito sa inflation, presyo ng langis, at kita ng gobyerno.
Layon ng batas na mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga motorista, commuter, at iba pang sektor na direktang apektado ng oil price hike. (KRIS JOSE)