Home OPINION OIL CRISIS TULOY-TULOY, LALALA; LANGIS NG PINAS KALKALIN

OIL CRISIS TULOY-TULOY, LALALA; LANGIS NG PINAS KALKALIN

102
0

DAPAT talagang tuloy-tuloy na maghanap ang Pilipinas ng mapagkukunan ng suplay ng langis dahil tila magpapatuloy ang mabangis na digmaan sa pagitan ng Iran at United States-Israel.

Ito’y makaraang bumagsak ang tigil-putukan kamakalawa makaraan ang 21 oras na pag-uusap ng magkabilang panig sa Islamabad, Pakistan.

Anomang araw, babarahan na umano ng pwersang United States ang Strait of Hormuz at wala nang nakapapasok o makalalabas pang oil tanker o iba pang mga barkong pangkalakal sa Persian Gulf.

Nais ng US na paralisahin ang industriyang langis ng Iran ngunit nadadamay na rin ang parehong industriya ng Saudi Arabia, Kuwait, Iraq, Bahrain, United Arab Emirates, Qatar at Oman.

Kasabay nito ang alok ng US na sa kanila na lang bibili ang lahat ng bansa ng langis lalo’t ipinagyabang nito ang pagiging pinakamalaking producer ng langis sa buong mundo.

Dahil 97% ng langis ay inaangkat natin, dapat nating sundan ang mga pangyayaring ito upang hindi madiskaril ang ating buong ekonomiya na nakadepende sa langis.

Pinakamalaking suplay natin ang nagmumula sa China (30%) at South Korea (40%) at ang iba nangggagaling na sa Singapore at iba pa ngunit halos galing din sa mga bansang Arabong nabanggit ang krudo ng China, South Korea at Singapore na kanilang nirerepina.

Kung susundan ang alok ng US na magmumula rito ang suplay, tatandaan siguro na matapos maangkin ng US ang Venezuela oil, agad nagbebenta ito sa halagang $60 kada bariles samantalang dating $30 lamang.

Matapos ding tumigil ang European Union na mag-angkat ng murang Russia natural gas dahil sa giyerang Russia-Ukraine, binebentahan ngayon ng US ang EU ng doble-tripleng presyo.

Saan o kanino nga dapat tayo umangkat ng langis upang hindi magoyo ng US na walang ginawa kundi magsamantala sa mga wala nito?

Panahon na ring kalkalin natin ang mga deposito ng langis na matatagpuan sa loob ng Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here