RAMDAM na ramdam ang tindi ng sikat ng araw ngayong taon. Sa pagtaas ng heat index, hindi lamang ang ating katawan ang dapat bantayan, kundi pati na rin ang ating kalusugan. Kasabay nito, isang mahalagang paalala ang hatid ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa lahat ng mga miyembro: hindi tayo mag-iisa sa pagharap sa mga gastusing medikal na dala ng matinding init.
Sa harap ng panganib ng heat stroke at iba pang sakit ngayong tag-init, binibigyang-diin ni Dr. Edwin Mercado, President at CEO ng PhilHealth na nakahanda ang ahensya na magbigay ng in-patient benefit packages para sa mga karaniwang sakit na dulot ng tag-init. Layunin nito na gumaan ang pasan ng bawat pamilyang Pilipino na tatamaan ng mga sumusunod na kondisyon:
* Typhoid fever: Php19,500
* Heat fatigue at kaugnay na epekto: Php18,135
* Sore eyes/conjunctivitis: Php16,575
* Heat stroke, exhaustion, o cramps: Php12,675
* Infectious diarrhea/acute gastroenteritis: Php11,700
* Moderate hanggang severe dehydration: Php7,800
Hindi lamang ito ang nakahandang suporta. Bukod sa mga nabanggit, sakop din ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) Package ang iba pang agarang pangangailangang medikal.
Ibig sabihin, sa mga pagkakataong kailangang tumakbo sa emergency room dahil sa biglaang paghina ng katawan, maaari pa ring umasa sa tulong ng PhilHealth sa mga accredited na ospital.
Gayunpaman, ang mga benepisyong ito ay epektibo lamang kung tayo ay aktibong miyembro.
Kaya naman, pinaalalahanan ang publiko na tiyaking updated ang inyong kontribusyon.
Huwag hayaang maputol ang hulog upang sigurado ang suporta kapag dumating ang hindi inaasahang pagkakataon.
Higit pa sa pag-asa sa benepisyo, ang pinakamahusay na paraan pa rin ay ang pag-iingat.
Ugaliing uminom ng sapat na tubig, iwasan ang direktang sikat ng araw mula 10:00 n.u. hanggang 4:00 n.h., at magsuot ng preskong damit.
Ang pagkakaroon ng PhilHealth coverage ay isang mahalagang seguridad, ngunit ang disiplina sa pangangalaga ng sariling kalusugan ang ating unang linya ng depensa laban sa init.
Manatiling hydrated, maging mapagmatyag sa sintomas ng katawan, at laging siguraduhing handa ang inyong PhilHealth records para sa inyong proteksyon at kapayapaan ng isip.






