Home OPINION PAG-IBIG FUND, CHED, NAGSANIB-PWERSA SA PAGLUNSAD NG ABOT-KAYANG “DORM” SA LOOB NG...

PAG-IBIG FUND, CHED, NAGSANIB-PWERSA SA PAGLUNSAD NG ABOT-KAYANG “DORM” SA LOOB NG CAMPUS

88
0

QUEZON CITY — Siguradong mapapatalon sa tuwa ang mga guro, kawani, at lalo na ang mga estudyanteng “dorm is life” matapos pormal na isulong ang isang dambuhalang proyekto na magbibigay ng murang matitirhan sa loob ng mga unibersidad.

Sa ginanap na konsultatibong pagpupulong nitong Abril 15, 2026, sa CHED Auditorium sa Quezon City, personal na hinarap ni Pag-IBIG Fund Chief Exe­cutive Officer Marilene Acosta ang mga kinatawan ng iba’t ibang paaralan para sa paglulunsad ng “Project BALAY: Bridging Access to Learning.” Ang proyektong ito ay isang estratehikong pakikipagtulungan ng Pag-IBIG Fund at ng Commission on Higher Education (CHED).

Layunin ni­to na palawakin ang akses sa abot-kayang paupahang pabahay para sa mga guro, mga estudyante, at pati na ang mga non-teaching personnel sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa.

Sa naturang pulong, ibini­da ng Pag-IBIG Fund ang kanilang Rental Housing Construction Loan program. Hindi ito basta- bastang utang dahil punong-pu­no ito ng konsiderasyon pa­ra sa sektor ng edukasyon. Naglaan ang Pag-IBIG ng tumataginting na P6.3 billion upang pondohan ang pagpapatayo ng mga dormitoryo at mga pasilidad ng paupahan sa loob mismo o malapit sa mga kampus.

Para sa mga SUCs na nagnanais magtayo ng sariling gusali, inaalok sila ng pautang na may napakababang subsidiyang interes na 3 porsyento lamang kada taon sa unang sampung taon. Ang bayad? Kayang-kaya rin dahil pwedeng hulugan ang loan sa loob ng hanggang 30 taon. Sa ganitong paraan, masisiguro na ang renta na sisingilin sa mga estudyante at kawani ay mananatiling “student-friendly” at hindi mabigat sa bulsa.

Sustenableng Solusyon para sa Akademya

Hindi lang si CEO Acosta ang dumalo para sumuporta. Kasama rin sa mahalagang diskusyon sina Pag-IBIG Fund Deputy CEO Alexander Hilario Aguilar, CHED Commissioners Dr. Ricmar Aquino at Dr. Myrna Mallari, kasama sina OIC Deputy Executive Director Ian Evangelista at Director Aline Magalong.

Nakatuon ang kanilang usapan sa pagbuo ng mga praktikal at sustenableng solusyon sa pabahay na swak sa pangangaila­ngan ng komunidad ng akadem­ya. Mahigit 30 SUCs ang lu­ma­hok sa pulong kung saan nagbigay sila ng mga mungkahi pagdating sa site development, financing, at kung paano ito mas mabilis na maipatutupad.

11 SUCs, Kasa Na!

Dahil sa ganda ng programa, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang ilang paaralan. Sa kasaluku­yan, nasa 11 SUCs na ang agad na nakipag-ugnayan sa Pag-IBIG Fund upang simulan ang proyekto. Ito ay malinaw na senyales na uhaw ang ating mga unibersidad sa mga pasilidad na magbibigay ng seguridad at ginhawa sa ka­nilang mga nasasakupan.

Sa pamamagitan ng Project BALAY, ang pangarap na “home away from home” para sa bawat nagsisikap na estudyante at dedikadong guro ay hindi na lang drowing—ito ay magiging reali­dad na sa ilalim ng pamumuno ng Pag-IBIG at CHED. Tunay ngang basta may pagtutulu­ngan, may masisilungan ang ki­nabukasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here