Home NATIONWIDE Ilang dyip sa service contracting program ‘di nagbibigay ng 20% fare discount...

Ilang dyip sa service contracting program ‘di nagbibigay ng 20% fare discount – MANIBELA

111
0

MANILA, Philippines – Hindi umano nagbibigay ng mandatong 20% discount sa pamasahe ang ilang jeepney na kalahok sa service contracting program ng pamahalaan, ayon sa transport group na MANIBELA nitong Miyerkules, Abril 22.

Ayon kay MANIBELA chairperson Mar Valbuena, nagreklamo umano ang ilang pasahero na may mga unit na hindi nagdi-display ng mga tarpaulin na nagsasabi patungkol sa discounted fares.

“Ang sabi sa amin kahapon ng mga pasahero, kasama itong ruta na ito sa service contracting program pero hindi daw po nila inilagay yung mga tarpaulin kaya hindi sila nabibigyan ng discount,” sinabi ni Valbuena sa panayam ng DZBB.

Sinita ng MANIBELA ang ilang jeepney na sangkot dito at hinimok ang mga operator na ilagay nang tama ang mga signage upang malaman ng mga commuter na sila ay makakakuha ng discount.

Ayon naman sa ilang operator, tinanggal nila ang mga tarpaulin dahil sa pangamba ng overheating, bagamat duda si Valbuena sa paliwanag na ito.

Tinukoy din ng MANIBELA chair ang pangamba ng mga drayber na 40% lamang ng mga bayad sa ilalim ng programa ang napupunta sa mga drayber at operator habang ang 60% ay napupunta sa mga kooperatiba.

Dahil dito ay nanawagan siya sa mga awtoridad kabilang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na linawin ang isyung ito.

Bukod dito, hindi rin kumbinsido ang mga drayber sa bayad sa ilalim ng service contracting program, na nasa P30 hanggang P40 kada kilometro.

Dahil dito ay ipinanukala ni Valbuena na taasan ang bayad ng P50 hanggang P60 kada kilometro.

Ilan ito sa mga nakikitang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga lumalahok sa service contracting program ng pamahalaan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here