MANILA, Philippines – Tinalakay sa pagdinig ng House Committee on Justice ang pagdami ng business interests ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio, batay sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2007 hanggang 2024.
Sa pagdinig, tinanong ni Surigao del Norte Rep. Bernadette Barbers ang Office of the Ombudsman kung makukumpirma ang obserbasyon na nadaragdagan ang mga deklaradong negosyo ng mag-asawa sa paglipas ng mga taon.
“So tama po ba na base sa mga SALN ni VP Duterte at ni Atty. Mans Carpio ay kada taon ang mga business interests nila ay dumadami?” tanong ni Barbers.
Sumagot si Atty Karen Batu, Head ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman: “We cannot make any conclusion on the ano po. Basta kung ano lang po yung binasa ninyo, we can confirm na yun po yung nakalagay sa SALN nila, Your Honor.”
Ipinresenta ni Barbers ang sunod-sunod na SALN ng bise presidente, simula 2007 kung saan tatlong kumpanya lamang ang nakasaad: Davao Emerging Taipan Corporation, Davao Bounty Times Food Corporation, at City Hall King Chow Foods Corporation.
Nanatili ang tatlong kumpanyang ito sa SALN ng 2008 at 2009, ngunit noong 2010 ay nadagdagan ito ng SGT Fortune House Corporation at CYKT, Inc.
Pagsapit ng 2011, nadagdagan pa ang listahan kabilang ang Zelta Matiem Salon.
Sa 2016 SALN, umabot sa walong kumpanya ang nakalista, kabilang ang Davao New Royal Taipan Corporation, Metro City Chow Foods Corporation, at Times Square B Foods Corporation.
Mula 2017 hanggang 2020 ay nadagdag ang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines Inc.
Sa 2021 at 2022 SALN, nanatili sa walong entries ang business interests, kabilang ang Carpio Duterte Lawyers, Kale 88 Foods Corp., Triple 8 Bistro, at Mandayaw Fisheries Inc.
Noong 2023, umabot sa 11 ang kabuuang bilang ng deklaradong business interests, na sumasaklaw sa food ventures, fisheries, real estate, at security services.
Sa pinakahuling 2024 SALN, nasa 10 pa rin ang nakalistang negosyo, kabilang ang Metro City Chow Foods Corporation, GenCorp Industries Inc., Carpio Lawyers, Triple 8 Bistro, Kale 88 Foods Corporation, Mandayaw Fisheries Corporation, Mati City Ice Plant and Gold Storage Inc., Amianan Shores Inc., Geometry Security and Investigation Agency Inc., at Cabletow 88 Shipping and Marine Services Inc.
Matapos ilahad ang mga datos, iginiit ni Barbers ang pangangailangang suriin ang implikasyon ng pagdami ng mga business interest ng mag-asawa.
Iginiit ng mambabatas na dapat maipakita ang dahilan ng pagdami ng mga interests sa mga negosyo ng mag-asawang Duterte-Carpio, ang paglaki ng kanilang income, net worth at halaga ng kanilang yaman. Gail Mendoza