Home OPINION NAGKAGULO-GULO NA?

NAGKAGULO-GULO NA?

159
0

SAAN kaya patutungo ang mga nagaganap sa gobyerno at pulitika sa mahal kong Pinas?

Ang dami nang nagaganap na palatandaan na nagkakagulo na ang lahat.

ZALDY CO NAWAWALA?

Ano itong sinasabi mismo ni Justice Secretary Fredderick Vida na posibleng wala na o naroon pa sa Czech Republic si dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy?

Ito ang pinakahuling balita ukol kay Co na unang inanunsyo mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na nahuli na sa nasabing bansa sa kawalan nito ng kaukulang papeles noong Abril 16, 2026.

Sa salitang “nahuli”, agad na iniuugnay ang warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan pero hindi pupwedeng gamitin ito sa Czech Republic dahil sa problema sa hurisdiksyon, ayon kay Department of Justice spokesperson Polo Martinez.

Pagkatapos, wala rin palang Interpol red notice laban kay Co dahil kulang pa ang mga isinumite ng Pinas na batayan para sa panghuhuli ng Interpol kay Co.

Ang gulo-gulo niyo, huh!

MARAMI AKONG ALAM

Makaraang “mahuli” si Co, bigla na lang ding gustong mag-abroad si ex-Speaker Martin Romualdez para magpatingin ng kanyang kalusugan sa Singapore.

Pero hinarang siya ni Ombudsman Boying Remulla sa pangambang matulad si Romualdez kay Co at kung mangyari ito, mahirap nang manghabol ang gobyerno sa mga sinususpetsang mga kawatan sa gobyerno.

Sa ulat, minadali ni Remulla ang pagsasampa ng kaso laban kay Romualdez para mapigilan nga itong mag-abroad nang nakadududa ang pakay sabay hiling sa Anti-Money Laundering Council na aplayan ang mga assest ni Romualdez ng freeze order.

Hayun na nga, frineeze ng Court of Appeals ang 25 bank accounts at 10 insurance policies ni Romualdez at hindi na pupwedeng maglabas ng pera sa bangko at hindi magamit ang insurance policies nito.

Pero bago mangyari ito, naglabas ng video message si Romualdez na nagsasabing “marami akong alam sa administrasyong ito…kung aalis man ako, hindi ako aalis na mag-isa.” I will not go alone!

Ano ‘yun?

Sabay-sabing nasa Executive Department ang korapsyon dahil nasa kamay nito ang pagpapatupad ng mga proyekto.

Pero ayon naman kay Navotas Congressman Toby Tiangco, sa Kamara pa lang, may bentahan na ng mga proyekto dahil minamaniobra rito ang mga proyekto para pagkikbakan.

At imposible umanong walang kinalamam si Romualdez dito dahil kontrolado nito ang mga kongresman, lalo na ang small committee sa Kamara na binuo para manipulahin ang pambansa badyet at pagkakitaan.

Sa huli, sino-sino kaya ang tinutukoy ni Romualdez na isasama sa “I will not go alone” niya?

Ang gulo-gulo talaga ninyo!

MAY GULO RIN SA AYUDA

Dito may malaki ring gulo.

Habang nagkakagulo sa ayuda sa hanay mga tsuper at operator sa iba’t ibang uri ng sasakyan at iba pa, nagugulo rin ang isipan ng higit na nakararami na biktima rin ng krisis sa langis.

Ang mga ordinaryong mamamayan, kasama ang maliliit na empleyado at middle class at negosyante, hindi kasama sa mga inaayudahan.

Habang nagugulo ang mga hindi nabibigyan ng ayuda na mga tsuper at operator, anak ng tokwa, higit nagugulo ang isipan ng higit na nakararaming wala ni anomang sentimong ayuda na natatanggap.

Kahit saan, magulong-magulo na at matinding sakit sa ulo ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here