ISABELA, Philippines — Tuluyan ng naaresto ang isang mister na pinaniwalaang walang habas na pinagbabaril ang dalawang magsasaka sa Barangay Gomez, Benito Soliven, Isabela.
Sa direktiba ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya ay naaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Ruben”, 29-anyos, residente ng nabanggit na lugar.
Una rito, nagpapahinga umano sa gilid ng kalsada ang mga biktimang kinilalang sina alyas “Niko,” 64 anyos, at “Mario,” 35 anyos matapos magpatuyo o managbibilad ng ani nilang mais.
Habang nagpapahinga, dumating ang suspek sa lugar sakay ng motorsiklo at sa hindi malaman na dahilan at bigla na lamang umanong pinagbabaril ang dalawa gamit ang kalibre .45 na baril.
Nasaksihan mismo ng anak ng biktimang si “Niko” ang ginawang pamamaril ng suspek sa dalawa noong babalikan na sana niya ang natitirang ani kung saan nakita rin nito ang pagtakas ng suspek patungo sa sentro ng barangay.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala at live ammunition na nagsilbing ebidensya.
Mabilis namang rumesponde ang Local Area Response Team (LART) at isinugod ang mga biktima sa San Mariano Community Hospital. Gayunman, idineklara silang dead-on-arrival dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Pansamantala nasa kustodiya ng Benito Soliven Police Station ang suspek habang inihahanda kaso sa hukuman laban sa kanya. (REY VELASCO)