SA gitna nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mataas pa ring halaga ng fuel oils, at pabigat na singil sa kuryente, unti-unting napapabayaan ang isang mahalagang aspeto sa mga lugar ng trabaho—ang Occupational Safety and Health. Nakababahala ang lumalabas na trend kung saan ang compliance sa mga pamantayan ng kaligtasan ay tila isinasantabi upang makatipid at makasabay sa hamon ng ekonomiya.
Hindi maikakaila na ang mga negosyo, lalo na ang mga small and medium enterprise ay labis na naapektuhan ng krisis. Sa kagustuhang mapanatili ang operasyon, may ilan na nagbabawas ng gastusin sa safety trainings, personal protective equipment, at regular na inspeksyon. Ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng mas malaking pinsala—aksidente, sakit, at maging pagkamatay ng mga manggagawa.
Ang kaligtasan ay hindi dapat ituring na gastusin kundi isang pamumuhunan. Kung tutuusin, mas malaki ang gastusin kung may kapabayaan kumpara sa puhunan sa pagsasakatuparan ng mga proactive measure. Maliban sa nakatayang buhay at kabuhayan ng manggagawa, ang isang aksidente ay maaaring magresulta sa pagkaantala ng operasyon, pagtaas ng insurance cost, at pagkasira ng reputasyon ng kompanya.
Mas lalong kinakailangan ang matibay na commitment sa pagpapatupad ng OSH sa workplaces. Hindi kasi sapat ang “paper compliance.” Kinakailangan ang malasakit, proaktibong pagkilos. At patuloy na paghahanap ng mga cost-effective na paraan upang mapanatili ang OSH compliance—tulad ng internal trainings, paggamit ng digital platforms, at mas mahigpit na monitoring ng workplace hazards.
May mahalagang papel din ang pamahalaan at mga ahensya sa patuloy na pagbibigay ng gabay, suporta, at pagpapatupad ng regulasyon. Kailangang maging mapagmatyag ang mga manggagawa sa pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran.
Ang krisis ay hindi dapat maging dahilan upang maisantabi ang kaligtasan at kalusugan. Bagkus, ito ay paalala na sa bawat hamon, ang buhay at kapakanan ng tao ang dapat laging inuuna..






