DAPAT talagang maintindihan ang fake news para masupil.
Narito ang ilang sinasabi ng iba na fake news.
Kabilang sa mga itinuturing ni Atty. Harry Roque na fake news ang balita mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na “Nahuli na” si Zaldy Co sa Czech Republic.
Sumunod naman ang sinabi ni Jay Sonza na hindi maganda ang kalagayang pangkalusugan ni Pang. Marcos.
Pagkatapos nito, ibinalita naman ng dyaryong Abante na inilabas din sa YouTube ni Ely Saludar na nagkaroon ng “agua de pataranta” na P1.3 bilyon para maideklarang may ‘probable cause’ ang impeachment ni Vice President Sara Duterte ng House Committee on Justice.
Andiyan naman ang sinasabi mismo ni Senator Manang Imee Marcos na “labas-masok sa ospital” si Pang. Marcos ngunit hindi naman patay.
Makaraan ang isang linggo at ilang araw, nabigla ang lahat sa balita mismo na wala na si Zaldy Co sa Czech Republic at nag-aplay na pala ito ng asylum sa France at nagsiper ng bibig ang Czech Republic at France sa mga katanungan mismo ni Pang. Marcos kung nasaan ang dating kongresman.
Nalilito na tuloy ang lahat kung ‘fake news’ o hindi ang anunsyo ng Pangulo na nahuli na si Co.
Ito namang si Jay Sonza ay inaresto sa salang “not bailable” ngunit mabilis ang desisyon ng Pasay Regional Trial Court na baguhin ito at pinagpipiyansa si Sonza ng P10,000.
Tameme naman ngayon ang Palasyo sa anunsyo ni Manang Imee na posibleng ikonek ng mga kritiko sa kaso ni Sonza.
Tameme rin ang Palasyo sa P1.3 bilyong agua de pataranta ng Abante at ni Saludar.
Teka nga pala, ano ba talaga ang fake news o pekeng balita?
Paki-explain nga, Madam Palace spokesperson Claire Castro kung ano talaga ang fake news o pekeng balita, lalo na sa mga usaping nabanggit natin sa itaas.






