NAGING mabilis at organisado ang pamamahagi ng 5,000 Cash Relief Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 700 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association sa lungsod ng Malabon bilang tulong sa kabila ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo. JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tatapusin na hanggang sa May 20 ang distribusyon ng cash relief assistance sa lahat ng nasa PUV o transport sector sa buong bansa na apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, mahigit P6-bilyong pondo na ang naipamahagi sa nasa 1.2 milyong drivers sa buong bansa.
Kaugnay nito sinabi ng opisyal na patuloy pa rin aniya ang payout para sa jeepney drivers sa labas ng Metro Manila habang tinatayang may mahigit 800,000 pang drivers ang inaasahang mabibigyan ng ayuda.
Samantala makaraan ang pakikipagpulong sa Transport Network Companies sa NCR ay lalarga na muli sa susunod na linggo ang panibagong special payout para sa mga motorcycle taxi at delivery service riders na hindi pa nakatatanggap ng cash aid.
Ayon kay Asec. Dumlao, napagkasunduan na ang mga TNC na ang tutukoy sa payout venues at sila na rin ang magbibigay ng abiso sa kanilang mga drivers.
Kaugnay nito pinaalalahanan naman ng DSWD ang mga driver na hintayin ang opisyal na abiso mula sa kanilang TNC lalo na sa mga may multi-tapping o nakarehistro sa mahigit isang platform. (Santi Celario)