NAKADIDIRI! Walang ibang salita na mas akma sa nakikita nating unti-unting pagbulok ng ilang beteranong mamamahayag na ngayon ay nagiging kasangkapan ng demolition job sa pulitika. Sila na dati’y hinangaan bilang bantay ng katotohanan, ngayo’y tila kusang nagpakulong sa interes ng kapangyarihan at salapi.
Mas masahol pa, ginagamit pa ang makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence upang manipulahin ang imahe at impormasyon. Mga pekeng larawan, gawa-gawang naratibo, at nilikhang kontrobersiya sa lahat para sirain ang isang target. Hindi na ito simpleng pagkakamali sa pamamahayag; ito ay sinadyang panlilinlang.
Ang tanong: ito ba ang pamana na nais nilang iwan sa susunod na henerasyon ng mamamahayag? Isang propesyon na dapat nakatindig sa integridad at katotohanan ay ginagawang larangan ng propaganda at paninira. Kung ang mga beterano mismo ang nangunguna sa ganitong gawain, paano pa aasahan ang mga baguhan na manindigan sa tama?
Hindi maikakaila na may matinding presyur sa industriya maging politikal man o pinansyal. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang talikuran ang pundasyon ng propesyon. Ang kredibilidad, sa sandaling masira, ay hindi na basta-basta maibabalik. At sa bawat pekeng balitang inilalabas, hindi lamang ang target ang nasisira kundi ang tiwala ng publiko sa buong media.
Panahon na upang managot ang mga gumagamit ng kanilang pangalan at karanasan para sa maling layunin. Hindi sapat ang katahimikan o pagbubulag-bulagan ng kapwa mamamahayag. Kailangan ng malinaw na paninindigan laban sa ganitong uri ng pagkasira.
Kung may dapat iwan na pamana ang mga beteranong mamamahayag, ito ay ang tapang na ipaglaban ang katotohanan—hindi ang kahandaang ibenta ito. Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng isang mamamahayag ay hindi ang tagal sa industriya kundi ang integridad na kanyang pinanghawakan






