Home OPINION CHED, REPORMA O INTELEKTWAL NA PAG-URONG?

CHED, REPORMA O INTELEKTWAL NA PAG-URONG?

70
0

KUNG tunay na nakapaglatag ang Commission on Higher Education ng isang makabuluhang reporma sa General Education curriculum, bakit ngayon ay may matinding pagtutol mula sa akademya?

Hindi lamang tungkulin ng CHED na paikliin ang kolehiyo tungo sa mas “episyenteng” landas sa trabaho. Sa ilalim ng Higher Education Act of 1994, mandato rin nitong itaguyod ang de-kalidad na edukasyon, igalang ang akademikong kalayaan, at tiyaking ang mataas na pag-aaral ay tumutugon hindi lang sa industriya kundi sa pagbubuo ng bansa.

Dito nagmumula ang pangamba sa panukalang “Reframed General Education” curriculum.

Ayon sa CHED, ang pagbawas ng GE units mula 36 tungo sa 18 ay bahagi ng repormang nakaangkla sa K-to-12 — upang alisin ang pag-uulit at makalikha ng mga gradweyt na mas angkop sa kasalukuyang pangangailangan ng industriya. Sa papel, tila praktikal at moderno ito.

Ngunit ang mga unibersidad ay hindi lamang pabrika ng manggagawa.

Ang pagtutol mula sa mga institusyong tulad ng Ateneo de Manila at University of Santo Tomas ay nagpapakita ng mas malalim na pangamba: na sa sobrang pagtutok sa “employment-ready” na mga gradweyt, maaaring maubos ang kaluluwa ng edukasyong pang-unibersidad.

Kapag ang pilosopiya, panitikan, kasaysayan, etika, at iba pang humanidades ay piniga sa malalabong “multidisciplinary competencies,” ano pa ang matitira sa mataas na edukasyon?

Bilang isang Thomasian — dating estudyante at guro — ramdam ko ang panganib na may mahalagang mawawala. Bilang mamamahayag at dating guro, alam ko kung paano hinuhubog ng GE ang pag-iisip ng estudyante.

Noon, bilang mag-aaral sa Faculty of Arts and Letters ng UST, hinubog ako ng mga asignaturang Rizal, Pilosopiya, Heograpiya, at Kasaysayan. Hindi lang nila ako tinulungan pumasa — tinuruan nila akong mag-isip, umunawa, at magtanong. Hinubog nila ang intelektwal na kuryosidad at pananagutang moral — mga katangiang mahalaga lalo na sa panahong laganap ang maling impormasyon at mababaw na diskurso.

Kaya nakababahala ang panukalang ito. Para nitong tinatrato ang liberal arts bilang “redundancy,” na para bang ang pagkatuto ay isang beses lang nagaganap, at hindi isang prosesong unti-unting lumalalim. Iba ang diskusyon sa pilosopiya sa kolehiyo kumpara sa Senior High School dahil mas malalim na ang pag-unawa ng estudyante.

At paano naman ang mga guro — mga historyador, pilosopo, at propesor sa panitikan — na inialay ang buhay sa paglinang ng kaalaman? Kapag piniga ang kanilang disiplina sa maiikling modyul, hindi ito reporma kundi hakbang patungo sa intelektwal na kahirapan.

Maaaring makalikha pa rin tayo ng mga employable graduate. Ngunit nanganganib tayong makalikha ng mga mamamayang marunong magtrabaho — ngunit hindi ganap marunong mag-isip.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here