BINALAAN ng ilang kongresman ang mga senador na posibleng magpawalang-sala kay Vice President Sara Duterte sa impeachment.
Anila, dapat tatandaan umano ng mga pro-vp Sara senador na pagdating ng halalang 2028, kahaharapin ng mga ito ang mga constituent ng 257 kongresman na bumoto pabor sa impeachment.
May ilang senador na magreretiro sa 2028 at maaaring muli silang kakandidato at dadalhin ang tagumpay…kung saka-sakali…ng acquittal o pagpapawalang-sala kay VP Sara sa kampanya.
Pero maaasahan kaya ng 257 kongresman na hindi sila itatakwil o kaya’y tuloy-tuloy na kupkupin ng kanilang mga constituent sa 2028?
Kung matuloy ang paglilitis, diyan lilitaw ang buong katotohanan o kasinungalingan dahil ilalabas nang todo ng 257 kongresman at ni VP Sara ang kanilang mga ebidensya, katwiran at sinasandigang mga batas.
Sa huli, maaaring magpaliwanag ang mga Senador Hukom sa Impeachment Court kung bakit nila idineklarang guilty o walang pagkakasala si VP Sara o kaya’y neutral sila.
Sa dalawang hakbang na ito, magkakaroon ang taumbayan ng kahit papaano’y buong pagtanaw ukol kay VP Sara at makabuo sila ng sariling pagpapasya kung iluluklok nila ito sa Palasyo bilang kanilang tagapaglingkod o hindi.
Pero may iba pang mga pagpapasyang usapin sa botohan at walang iba kundi ang sariling kaisipan ng mga botanteng mamamayan na nagpapataob o nambibitin nang patiwarik sa sarili nilang mga pinuno o kongresman sa halalan gaya ng impormasyon mula sa media at sariling mga karanasan.
Halimbawa, ano ang epekto sa mga mamamayan ng impormasyong ibinahagi ni Senator Imee Marcos na pinangakuan ng P5 milyon cash, P3 milyong buwanang Maintenance and Other Operating Expenses na walang resibo at P150 milyong proyekto ang bawat kongresman na boboto laban kay VP Sara?
Sa kabilang banda, dahil hindi nakokorap ang mga senador sa pagpapasya sa impeachment, walang ganitong alok sa kanila.






