GENEVA, Switzerland – Idineklara ng World Health Organization (WHO) bilang “public health emergency of international concern” ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC) at Uganda.
Ayon sa WHO, ang outbreak ay dulot ng Bundibugyo virus ngunit hindi pa ito maituturing na pandemic emergency.
Sinabi ng UN health agency na hanggang Sabado ay nakapagtala na ng 80 hinihinalang nasawi, walong laboratory-confirmed cases, at 246 suspected cases sa Ituri province sa DRC, kabilang ang mga lugar ng Bunia, Rwampara, at Mongbwalu.
Nauna nang inanunsyo ng DRC health ministry noong Biyernes na 80 katao na ang namatay sa bagong outbreak sa silangang bahagi ng probinsya.
Sa Kampala, Uganda, iniulat din ng WHO ang dalawang laboratory-confirmed cases, kabilang ang isang nasawi, mula sa mga biyaherong nanggaling sa DRC. Ayon sa WHO, tila hindi magkaugnay ang dalawang kaso.
Mayroon ding laboratory-confirmed case sa Kinshasa, kabisera ng DRC, mula naman sa isang taong bumalik mula sa Ituri province. RNT/MND