Home OPINION BAKIT AYAW NILA KAY SP CAYETANO?

BAKIT AYAW NILA KAY SP CAYETANO?

112
0

NAGSILABASAN ang mga kritikong ayaw kay Senator Alan Peter Cayetano na pamunuan ang Senado.

Sa ating palagay, hindi na ito tungkol sa kung sino ang dapat maging Senate President.

Ito ay kung muli bang magpakokontrol ang Senado o gagawin ang tungkulin nito sa Saligang Batas — ang nagsisilbing pananggalang ng bayan laban sa kapangyarihang sarili o interes lamang ang iniisip.

Sa panahon ni Vicente “Tito” Sotto, sinasabing ang Senado ay “hawak sa bayag” ng administrasyon. Hindi ito gaanong malaya, sa panahong kailangan nitong humiwalay sa impluwensya ng Malacañang at Kapulungan ng mga Kinatawan.

Malaki ang kaibahan ni Cayetano kay Sotto. Si Cayetano, may alam sa batas, matalas makipagtalo, mahirap utusan o takutin kapag nagpasya nang lumaban.

Kaya nga siya kinatatakutan ng mga nagnanais kontrolin ang Senado.

Kapag kontrolado ang Senado, ang mga pagdinig nito ay walang maayos na resulta. Kagaya ng blue ribbon committee na hawak dati ni Senator Ping Lacson, nagsasalita tungkol sa pananagutan pero pinoprotektahan ang mga makapangyarihan. Nagpapanggap na may ginagawa pero ang sinusunod ay dikta ng Palasyo, Kapulungan, o kung sino mang “Herodes”.

Ang tunay na Senado ay may kalayaan. Kayang talupan ang mga tiwaling pondo. Kayang labanan ang gobyerno na maling pinatatakbo. Kayang pigilan ang mga kasamaan na ginagamit na sandata sa pamumulitika. At nag-iimbestiga ng katiwalian, hindi humihingi ng pahintulot at naghihintay ng kapalit na pera sa maleta.

Ang pagkakaluklok kay Cayetano bilang pinuno ay hindi lamang simpleng pagbabago sa Senado. Ito ay maaaring simula nang pagbabalik ng Senado bilang tunay na pananggalang na itinakda ng batas. Hindi ito karugtong ng Palasyo.

Dito kinakabahan at natatakot ang mga nasa kapangyarihan.

Kaya bukod sa Impeachment trial, mahalaga ang isang parehas na Senado lalo sa pag-iimbestiga sa iskandalo sa flood control projects. Sa pagkuha sa pondo ng PhilHealth at sa marami pang perang nawawala sa gobyerno.

Ilang buwang pinag-usapan ang flood control scandal. May mga lumabas na saksi, katibayan at mga pangalan. Pero ang pakiramdam ng taumbayan, ang imbestigasyon ay sadyang pinahihina, ipinagpaliliban at ikinukubli ang katotohanan.

Kaya kung patuloy na magiging matatag ang bagong mayorya, muling uusad ang paghahanap ng pananagutan laban sa utak at mga kasapakat na nandambong sa kaban ng ating bayan.

Kaya inaatake nila si Cayetano dahil para sa kanilang mga kawatan, mapanganib na uli ang Senado.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here