Home METRO Lolang tumatawid sa kalsada dedo sa bundol ng SUV

Lolang tumatawid sa kalsada dedo sa bundol ng SUV

49
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 83-anyos na babae matapos mabundol ng SUV habang tumatawid sa kalsada sa Barangay Guiguilonen, Mangaldan, Pangasinan, madaling araw ng Linggo, Mayo 17, 2026.

Makikita sa CCTV na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktimang residente bago siya tumawid.

Patawid na siya nang mabangga ng paparating na SUV.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, umano’y nag-overtake ang SUV sa isang tricycle nang hindi nito napansin ang tumatawid na biktima.

Ayon kay Police Lt.Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station, batay sa CCTV ay malakas ang pagkakabangga sa biktima.

Ayon sa mga kaanak, maagang nagising ang biktima at hindi nila namalayan na lumabas ito ng bahay. Hinala nila, bibili lamang ito ng kape sa malapit na tindahan.

Hindi na nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa driver ng SUV matapos itong mangakong magbibigay ng tulong pinansyal at sasagot sa gastusin sa pagpapalibing sa nasawi. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here