MANILA, Philippines – Pinaaalalahanan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga motorista partikular na ang mga dumadaan sa Dimasalang Bridge sa Sampaloc dahil simula Mayo 23 ay pansamantalang isasara ang northbound lane nito bilang bahagi ng ikalawang yugto ng rehabilitasyon at major repair works ng tulay na isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang naturang abiso ay inanunsyo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kanyang “Talk to the People” livestream nitong Huwebes, Mayo 21, matapos makatanggap ng pormal na abiso mula sa DPWH North Manila District Engineering Office na may petsang Mayo 18.
Ayon sa liham ni District Engineer Dennis E. Sandoval, sisimulan na ang second phase ng proyektong “Rehabilitation/Major Repair of Permanent Bridges – Dimasalang Bridge (B01820LZ) along Dimasalang Street.”
Layunin ng proyekto na matiyak ang tibay, kaligtasan, at maayos na serbisyo ng tulay para sa mga motorista at residente sa mga karatig-lugar.
Sinabi ni Domagoso na target ng DPWH na matapos ang rehabilitasyon pagsapit ng ikalawang linggo ng Oktubre 2026, bago ang Undas kung kailan inaasahang dadagsa ang mga bibisita sa Manila North Cemetery at muling sisikip ang trapiko sa lugar.
Binanggit din ng alkalde na natapos na sa itinakdang oras ang unang yugto ng pagkukumpuni sa southbound lane ng tulay.
“Natapos na po at natutuwa naman ako.
Salamat sa DPWH, tinupad nila yung takdang araw,” ani Domagoso.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na asahan ang ipatutupad na traffic rerouting schemes na ilalabas ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng kanilang official social media platforms. JAY Reyes