Home OPINION BLUE RIBBON PROBE VS KORAPSYON

BLUE RIBBON PROBE VS KORAPSYON

107
0

MAY bagong pamunuan na ang Senate Blue Ribbon committee.

Kung walang muling magaganap na kudeta at manatili ang kasalukuyang mayorya, makaaasa ba ang sambayanan ng malalim at kompletong imbestigasyon sa P1.3 trilyong korapsyon at iba pang mga problemang kailangang bakahin para sa kapakanan ng higit na nakararami kundi man ng lahat?

Sa nakaraang imbestigasyon at sa ilalim ng lumang pamunuan kasi, mga Bro, may mga nagsasabing naging hilaw ang imbestigasyon kaya hindi natumbok ang dapat tumbukin.

‘Yun bang === hindi nakanti ang pinakamalalaking isda na umano’y naging ugat na pinakamalalaking korapsyon at maliliit lang ang hinila sa Office of the Ombudsman para mademanda.

Naapektuhan na rin maging ang paggawa ng batas laban sa korapsyon at mga parusa laban dito dahil hilaw nga ang imbestigasyon at pagpapanagot sa dapat managot.

MAY SAPAT NA PANAHON

May sapat na panahon para sa malaliman at malawakang pagkalkal sa korapsyon at pandarambong na rin.

Sa Hulyo 6, 2026 pa magsisimula ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa kasong impeachment nito.

Sa Hulyo 27, 2026 naman ang pagdedeliber ni Pangulong Bongbong Marcos ng kanyang ikaapat na State of the Nation Address.

Sa pagitan ng malalaking kaganapang ito na nangangailangan din ng malaking panahon at gawain ng Senado at Kamara na paghahanda, may sapat na panahon para magsagawa ng imbestigasyon ang Blue Ribbon committee.

SINO-SINO KAYA ANG IIMBITAHAN?

Sino-sino nga kaya ang nasa isipan ng bagong pamunuan na iimbitahan para sa imbestigasyon?

Siyempre pa, mga Bro, ang inaasahan ng taumbayan ay ang mga pinaniniwalaang pinakaugat ng mga korapsyon at pandararmbong.

Iimbitahan din ba sina Manong Chavit Singson, Brave 18 Marines at sundalo, mga idinadawit na kongresman, kasama si dating Kongresman Zaldy Co, Batangas Cong. Leandro Leviste, Navotas Cong. Toby Tiangco, Caloocan Cong . Egay Erice, x-Speaker Martin Romualdez, dating Executive Secretary Lucas Bersamin at apo niyang si Adrian Bersamin, dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, dating Public Works Secretary Babes Singson, dating DepEd Undersecretary Trygve Olaivar at iba pa?

Kung maiimbestigahan at magpapakita ang mga susi sa pag-alam sa katotohanan sa korapsyon at pandarambong, maaaring makapagpahinga na rin ang lahat sa nakapapagod nang hatian at tunggalin sa lipunan.

Lalo na kung mahahatak sa hukuman at maparusahan sa huli ang mga sangkot sa kabalbalan na ikinahihirap nang todo ng bayan.

HINDI LANG FLOOD SCANDAL

Alalahaning hindi lamang flood scandal ang posibleng maungkat sa imbestigasyon.

Maaaring muling maungkat ang hindi pa buo na pagsasauli ng pondo ng PhilHealth gaya ng para sa 2025 at ang pondo ng Philippine Deposit Insurance Corporation, ang dinekwat na pondo ng Philippine National Railways at Metro Manila Subway Project at iba pa na daan-daang bilyon piso ang halaga.

Sa DepEd sa school building program, matatanong pa rin kung bakit nasa 67 lamang ang naitayo sa isang taon sa kabila ng bilyon-bilyong pondo para rito.

BATAS SA PARUSA

Para sa ating Uzi, isa sa mga dapat na ending ng imbestigasyon ang pagkakaroon ng mga batas para sa mabilis na paglilitis at mabigat na parusa sa malalaking korap at mandarambong.

Pwede bang firing squad o pagbitay sa lubid gaya ng ginagawa sa ibang bansa?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here