Home METRO Halos 500 pamilya nawalan ng tirahan sa malawakang sunog sa Taguig

Halos 500 pamilya nawalan ng tirahan sa malawakang sunog sa Taguig

113
0

TAGUIG CITY – Nasa 489 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos ang malawakang sunog sa Barangay Sta. Ana, Taguig City noong Mayo 25, kung saan nasunog ang daan-daang kabahayan, ayon sa mga lokal na opisyal.

Sinabi ni Taguig Mayor Lani Cayetano na apektado ang 489 pamilya nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Pulong Kendi 2, Kalye Onse, bandang 5:51 ng hapon.

Batay sa ulat ng Taguig City Fire Station, naitaas sa unang alarma ang sunog bandang 5:57 ng hapon at umabot sa ikalimang alarma pagsapit ng 7:05 ng gabi bago tuluyang naapula alas-2:04 ng madaling araw ng Mayo 26.

Umabot sa 175 kabahayan ang natupok, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.

Bumisita si Cayetano sa Taguig Integrated School na nagsisilbing evacuation center at nagpaalala sa mga residente sa isang video message na maging mapagmatyag laban sa banta ng sunog.

Ayon kay Taguig City Social Welfare and Development Office head Nikki Rose Operario, apat na evacuation center ang inihanda para sa mga apektadong pamilya.

Noong Mayo 26, ipinagpatuloy ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng ₱10,000 tulong pinansyal kada pamilya, gayundin ang mainit na pagkain para sa mga evacuee.

Ayon sa mga awtoridad, 75 fire truck mula sa Bureau of Fire Protection, mga volunteer group, at mga lokal na pamahalaan, kasama ang siyam na ambulansya, ang rumesponde sa insidente. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here