PAMPANGA, Philippines – Nagsagawa ng inspeksyon nitong Miyerkules si DOLE Secretary Francis Tolentino sa lugar ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City.
Ayon sa labor chief, layunin ng inspeksyon na alamin kung may paglabag sa labor conditions ng mga construction worker sa proyekto.
Sa ngayon, apat na bangkay na ang narekober mula sa gumuhong condominium project na tumama rin sa isang kalapit na hotel noong Linggo. Kabilang sa mga nasawi ang isang Malaysian at dalawang construction worker na na-trap sa guho.
Nauna nang pansamantalang ipinasara ng mga inspector ng Department of Labor and Employment ang construction site noong Setyembre 2024 dahil sa paglabag sa occupational safety standards, ayon kay regional labor official Geraldine Panlilio.
“Our labor inspectors had monitored poor working conditions, a violation that would put our workers at risk,” ani Panlilio sa DZMM.
Ayon pa sa kanya, kulang umano sa safety gear tulad ng hard hats, boots, safety belts, at lifelines ang mga manggagawa. Mahina rin umano ang ilaw sa lugar at walang malinaw na safety signage.
Ipinagpatuloy lamang ang konstruksyon makalipas ang isang buwan matapos sumunod ang contractor sa mga safety requirement, ayon kay Panlilio. RNT/MND