Home NATIONWIDE Iran inatake na naman ng US

Iran inatake na naman ng US

55
0

WASHINGTON – Nagsagawa ng panibagong airstrike ang United States laban sa Iran, kabilang ang pag-atake sa isang military site at pagpapabagsak ng mga Iranian drones malapit sa Strait of Hormuz, ayon sa isang opisyal ng U.S. nitong Miyerkules, kasabay ng patuloy na tensyon sa kabila ng umiiral na ceasefire mula Abril.

Ayon sa opisyal, tinarget ng operasyon ang isang ground control station sa lungsod ng Bandar Abbas na umano’y naghahanda sanang maglunsad ng drone, habang apat na Iranian attack drones din ang pinabagsak. Giit ng opisyal, depensibo ang hakbang at layuning protektahan ang mga pwersa ng U.S. at komersyal na barko sa nasabing mahalagang daanan ng dagat.

“These actions were measured, purely defensive and intended to maintain the ceasefire,” ayon sa opisyal.

Naganap ang mga strike ilang oras matapos itanggi ni Pangulong Donald Trump ang ulat hinggil sa draft agreement sa Iran para muling buksan ang daloy ng shipping sa strait. Sa isang cabinet meeting, nagbitaw rin si Trump ng matapang na pahayag tungkol sa kontrol sa naturang daluyan ng dagat.

“Nobody’s going to control (the strait),” ani Trump. “It’s international waters and Oman will behave just like everybody else or we’ll have to blow them up. They understand that, they’ll be fine.”

Wala pang pahayag ang White House at ang embahada ng Oman sa Washington hinggil dito.

Nauna nang nagsagawa ng strike ang U.S. sa southern Iran noong Lunes na mariing kinondena ng Tehran bilang “gross violation” ng ceasefire. Ang digmaan na nagsimula noong Pebrero 28 ay kumitil na ng libo-libong buhay at nagdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya sa buong mundo, partikular dahil sa mahalagang papel ng Strait of Hormuz sa pandaigdigang oil at LNG trade.

Ayon sa Iranian lawmaker na si Ebrahim Azizi, hindi magpapaatras ang Iran sa posisyon nito sa uranium enrichment at pag-alis ng sanctions.

“It is obvious Trump, seeking a way out of this strategic deadlock, alternates between issuing threats and appealing for an agreement,” ayon kay Azizi sa isang post sa X.

Samantala, itinanggi ng mga opisyal ng U.S., kabilang si Secretary of State Marco Rubio, ang ulat ng Iran state media tungkol sa draft deal, at iginiit na ito ay “complete fabrication.”

Pansamantalang bumaba ang presyo ng langis matapos ang ulat ng posibleng kasunduan, ngunit muling tumaas kalaunan habang nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here