Home OPINION BAGONG FLOOD SCAM PROBE NASAAN NA?

BAGONG FLOOD SCAM PROBE NASAAN NA?

62
0

HABANG may panahon at pagkakataon pa, dapat nang simulan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa korapsyon at pandarambong sa flood control program.

Sa ngayon, kay Senator Manang Imee Marcos pangunahin tayong nakaririnig nang pagsusulong ng pagpapatuloy nito at sinasabing nirerebyu naman ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Pia Cayetano ang mga nakaraang kaganapan para sa kaukulang aksyon.

Noon pang Mayo 20, 2026 naging SBRC chairman si Sen. Pia at dapat nang may marinig ngayon na mga hakbang para malaman kung sino-sino ang mga utak o mastermind sa P1.3-P1.7 trilyong nakawan sa gobyernong Marcos.

Hindi dapat magpatumpik-tumpik si Sen. Pia rito lalo’t pilit na inaagaw ang pamunuan ng buong Senado, kasama ang sa SBRC, upang matigil ang imbestigasyon at mapagtakpan ang mga hinihinalang mastermind at kasabwat ng mga ito mula sa Kongreso at Palasyo.

Tanggapin man o hindi ng ngayo’y minorya, sirang-sira ang dangal ng Senado sa mata ng taumbayan dahil sa mga pagtatakip sa mga mastermind sa kabulukan sa pamahalaan.

Maibabangon lamang ang dangal o dignidad ng Senado kung hahayaang malayang maglabas ng katotohanan sa kabulukan ang katulad ng 18 Marines at sundalo, kasama si Orly Guteza, ang mag-lolong Lucas at Adrian Bersamin, Chavit Singson at haharap ang iba pa gaya nina Amenah Pangandaman, Stella Quimbo, Batangas Congressman Leandro Legarda-Leviste at Zaldy Co, na pupwedeng makapanayam sa bisa ng online communications.

Muli, sasabihin nating pinapayagan ng Senate rules ang pagsasagawa ng mga pagdinig o imbestigasyon kahit may recess ang Senado magsimula sa Hunyo hanggang Hulyo.

Hindi sana sayangin ng SBRC ang panahon at pagkakataon para sa paglalabas ng katotohanan tungo sa pagpapanagot sa mga dapat managot sa kabulukang ikinamamatay at ikinahihirap ng mga mamamayan at ikinababangkrap mismo ng pamahalaan.

Paglabas ng katotohanan, susunod nang dapat makita ng taumbayan kung ano-ano ang mga dapat gawin ng Office of the Ombudsman at mga hukuman sa mga may gawa ng pinakamalalaking kabulukan alang-alang sa sambayanan at katarungan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here