LIPA CITY, Batangas — Upang sabayan ang malawakang programang pampabahay ng pamahalaan, inanunsyo ng Pag-IBIG Fund na mas pinalawak at pinagaan na nito ang kanilang mga housing loan program. Layunin nitong gawing mas madali at abot-kaya ang buwanang hulog para sa mga Pilipinong naghahangad ng sariling tahanan, anoman ang antas ng kanilang kinikita sa lipunan.
Sa ginanap na opisyal na pagbisita sa Lipa, Batangas, ipinaliwanag ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na ang kanilang ahensya ay gumagawa ng mga konkretong hakbang upang matiyak na hindi mabigat sa bulsa ang magkaroon ng bahay.
Bilang halimbawa, ang socialized housing component ng Nuvista Homes Lipa na ‘Solida’ house model ay nagkakahalaga lamang ng P950,000. Dahil sa 3 percent subsidized interest rate sa ilalim ng Expanded 4PH Program, ang buwanang amortization o hulog ng isang kwalipikadong borrower ay maaaring bumaba nang hanggang P4,005 na lamang.
Bukod sa pabahay para sa mga low-income families, binisita rin ng mga opisyal ang Idesia, isa pang proyekto ng P.A. Properties sa Lipa. Ang proyektong ito ay nag-aalok ng mga mas malalaking yunit na nagkakahalaga mula P3.5 milyon hanggang P7 milyon.
Ayon sa pamunuan, maaari na ring pondohan ng Pag-IBIG ang mga ganitong uri ng ari-arian sa open market matapos itaas ng ahensya ang maximum housing loan amount nito mula sa dating P6 milyong piso tungo sa P10 milyong piso bawat borrower.
“Ang bawat pisong natitipid ng ating mga miyembro mula sa kanilang buwanang bayad sa pabahay ay napakalaking tulong.
Magagamit nila ito para sa pagkain, edukasyon ng mga bata, bayad sa kuryente at tubig, kalusugan, at iba pang pang-araw-araw na gastusin ng pamilya,” ani Acosta.
Binigyang-diin pa ng CEO na ang mga programa ng Pag-IBIG Fund ay sadyang idinisenyo para sa lahat, mula sa mga pamilyang nangangailangan ng socialized housing hanggang sa mga middle-income workers na naghahanap ng mas malalaking bahay. Sa pamamagitan ng mababang interes at mahabang repayment terms, nagbibigay ang ahensya ng isang praktikal at makatotohanang landas para sa bawat manggagawang Filipino.






