Home NATIONWIDE Pangilinan humihiling ng P15B dagdag na pondo para sa earthquake response

Pangilinan humihiling ng P15B dagdag na pondo para sa earthquake response

4
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang batas na maglalaan ng karagdagang ₱15 bilyon para sa relief, rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani nitong Lunes, Hunyo 8.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2259, layunin ng panukala na dagdagan ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) upang mapondohan ang mga programang pangbangon sa mga apektadong komunidad.

“This bill seeks to appropriate Fifteen Billion Pesos as supplemental funding to augment the National Disaster Risk Reduction and Management Fund for relief, recovery, rehabilitation, repair, and reconstruction efforts in affected areas,” ayon sa panukala.

Gagamitin ang pondo para sa pagkukumpuni at pagpapanumbalik ng mga paaralan, ospital, kalsada, tulay, irrigation system, pasilidad ng kuryente at transportasyon, pabahay, at imprastraktura ng mga lokal na pamahalaan.

Kasama rin sa plano ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na nawalan ng kabuhayan dahil sa kalamidad.

Ayon sa ulat, umabot na sa 38 katao ang nasawi habang apat pa ang nawawala matapos ang malakas na lindol na labis na nakaapekto sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Iniulat din ng Office of Civil Defense na lumampas na sa ₱500 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa mga apektadong lugar.

Sa ilalim ng panukala, ang ₱15 bilyon ay hahatiin sa iba’t ibang ahensya:

₱2 bilyon para sa Department of Agriculture, kabilang ang National Irrigation Administration at ayuda sa mga magsasaka at mangingisda;
₱2 bilyon para sa Department of Education;
₱1.5 bilyon para sa Department of Social Welfare and Development;
₱500 milyon para sa Department of Energy;
₱1 bilyon para sa state universities and colleges;
₱1.5 bilyon para sa Department of Health;
₱1 bilyon para sa mga rural, district at provincial hospitals sa ilalim ng DOH at mga LGU;
₱1 bilyon para sa Department of Public Works and Highways;
₱2 bilyon para sa Department of Human Settlements and Urban Development at National Housing Authority;
₱500 milyon para sa Department of Transportation; at
₱2 bilyon para sa mga lokalidad na direktang naapektuhan ng lindol.

“Ang prayoridad natin sa gitna ng sakunang ito ay ang kapakanan ng ating mga kababayan sa Mindanao—na sila ay maging ligtas, magkaroon ng sapat na tulong mula sa gobyerno, at nawa’y makabalik muli sa kanilang normal na buhay at hanapbuhay sa pinaka-madaling panahon,” ani Pangilinan.

Dagdag pa niya, hindi lamang agarang ayuda ang kailangan ng mga residente kundi pati pangmatagalang suporta upang tuluyang makabangon mula sa trahedya.

Samantala, inaasahan namang bibisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mindanao upang personal na inspeksiyunin ang mga lugar na sinalanta ng lindol. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here