MANILA, Philippines – Nakiusap si Senador Erwin Tulfo sa kasamahan sa Senado na isantabi na ang pamumulitika at bangayan sa posisyon saka simulan ang paglutas sa nararanasang gutom at kahirapan ng mas maraming mamamayan.
Sa pahayag, sinabi ni Tulfo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development, na kailangan nang magkaisa ang lahat ng miyembro ng Senado sa gitna nang lumalalang hidwaan sa pulitika.
“Walang pinipiling kulay ang gutom, ang mahal na pagpapagamot, at ang kahirapan. Ano pa man ang panig na sinusuportahan ninyo,” ani Tulfo.
Sa isang panayam sa radyo, binigyang-diin ni Tulfo na dapat lampasan ng pamumuno ang usapin ng kulay at partido para matugunan ang mga problemang dulot ng krisis tulad ng gutom at healthcare access.
“Paano natin reresolbahin ang mataas na presyo ng mga bilihin at mababang kita? Hindi na ito usapin ng pagpanig sa kahit kanino dahil lahat tayo ay nakakaranas ng taas ng presyo ng bilihin,” ani Tulfo.
Anang mambabatas , “Ang Marcos loyalist, Duterte Supporters, at Leni followers ay pare-parehong nakakaranas ng problema sa bilihin, pagpapagamot, edukasyon, at iba pa.”
“Lahat tayo ay Pilipino. Iisa ang problema natin. Sa tingin ba natin ang mga taga-suporta ng isang partikular na grupo ay nakakabili ng mas murang bilihin? Hindi. Pare-pareho tayong bumibili ng pagkain, gasolina. Kaya kung lulubog ang bangka, lulubog tayong lahat,” dagdag pa ng Senador.
Dumaing din si Tulfo na sa panahon ng krisis, ang mga pinuno ng bansa ang dapat na nagbubuklod at hindi nagwawatak-watak sa mga Pilipino.




