Home NATIONWIDE AFP, PNP ‘di kayang tibagin, goyoin ng 18 ‘maleta boys’ – Lacson

AFP, PNP ‘di kayang tibagin, goyoin ng 18 ‘maleta boys’ – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Sinuman ang nasa likod ng posibleng tangkang destabilisasyon na kinasasangkutan ng 18 “Maleta Boys,” hindi nila kayang pahinain ang propesyonalismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.

Giit ni Lacson na malinaw nang itinakwil at inilayo ng mga uniformed service ang kanilang sarili sa 18 dating sundalo na nagsabing naghatid sila ng mga maletang puno ng pera sa ilang personalidad na iniuugnay sa iskandalo sa flood control.

“The AFP and uniformed services natin, wala silang simpatiya sa 18 Maleta Boys. Dini-disown ng Philippine Marines, dini-disown ng AFP. Labindalawa sa kanila ay dishonorably discharged. Ayaw nilang ma-associate sa 18. So kung nag-a-assume sila na magti-trigger ito ng something bigger, magkakagulo ang buong bansa, magde-destabilize, sa tingin ko lang, mukhang nagkakamali sila,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

“Huwag nila gamitin ang 18 ex-Marines as a rallying point para mapagalaw ang ating Armed Forces. They should know the members of AFP and the PNP better than how they assume na yung kikilos o hindi. They should know them better than that, kung sino man ang nasa likod nito,” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, maaaring naagapan na ang anumang posibleng banta na may kaugnayan sa 18 “Maleta Boys” matapos magpatupad si acting Senate President Sherwin Gatchalian ng mas mahigpit na seguridad sa Senado at payagan ang mga empleyado na magtrabaho mula sa kanilang mga tahanan.

Gayunman, binigyang-diin niya na patuloy pa ring bina-validate ng Senado ang impormasyong pang-intelligence na natanggap kaugnay ng naturang mga banta.

“We are in the process of assessing and validating it with the help of intelligence units (of our) uniformed services,” ani Lacson.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang pagpasok ng 18 sa Senado noong Hunyo 8. Sa halip na dumalo sa meeting ng Senate Blue Ribbon Committee noong araw na iyon, nagtungo sila sa tanggapan ni Sen. Robinhood Padilla upang magsagawa ng press conference habang nagpapatuloy ang pagdinig ng komite.

Aniya, sinubukan pa umano ng mga sumusuporta sa 18 na gipitin at harasin si Senate Sergeant-at-Arms (Ret.) P/Maj. Gen. Alfredo Corpuz upang makapasok lamang ang grupo sa Senado.

Sinabi ni Lacson na hindi malayong isipin na maaaring ginagamit ang 18 upang magsimula ng kaguluhan sa loob ng Senado at gawing isang “staging area” at rallying point para sa AFP at PNP.

“Wala naman silang plan mag-attend sa hearing ni Sen. Erwin Tulfo, pero bakit nandoon silang 18 at pinilit nilang ipasok in spite of the pagbabawal ng Sergeant-at-Arms Gen. Corpuz? Hinarass-harass nila ang Sergeant-at-Arms, pinilit nilang ipasok ang 18, para saan ‘yan? Para mag-presscon? The way I assess it, personal assessment ko ito using my own experience and training, may plan ‘yan,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here