Home OPINION RISK MANAGEMENT, HINDI “WAIVER” PARA SA OFF-SCHOOL ACTIVITIES

RISK MANAGEMENT, HINDI “WAIVER” PARA SA OFF-SCHOOL ACTIVITIES

3
0

ANG malungkot na pagkasawi ng mga student basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili ay isang malaking aral at nagsisilbing paalala na ang responsibilidad ng mga eskwelahan sa kaligtasan ng kanilang mga estudyante ay hindi nagtatapos sa loob ng campus.

Bago ito, nais nating ipahatid ang taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga pamilya, kaibigan, teammates, coaches, at sa buong komunidad na nagdadalamhati sa kanilang pagkawala.

Habang patuloy na hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, mahalagang pag-usapan ang kahalagahan ng risk management at mga safety and health control measure para sa lahat ng off-school activities tulad ng sports competitions, educational tours, field trips, outreach activities, at iba pang school-related events.

Kabilang sa risk management ang pagsasagawa ng risk assessment bago pa man ituloy ang anomang aktibidad. Kailangang tukuyin ang mga posibleng inherent hazard sa transportation, travel route, weather conditions, venue, at physical condition ng mga kalahok. Kasama rito ang pag-evaluate sa kaligtasan ng sasakyang gagamitin at kakayahan ng mga driver na maghatid ng mga estudyante.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng malinaw na travel safety plan at emergency procedures and response plan lalo na kung nasa remote areas tulad ng tabing-dagat. Dapat alamin ng mga organizer kung saan ang lokasyon ng pinakamalapit na ospital.

Kailangan ding may available na first aid kits, automated external defibrillator o AED, emergency contact numbers, at may personnel na trained sa first aid at emergency response. Para naman sa mga student-athletes, kinakailangan ang regular na health assessment, sapat na pahinga, hydration, at monitoring upang maiwasan ang fatigue at iba pang health-related emergencies.

Hindi rin dapat kalimutan ang tamang supervision. Mas mainam din ang pagtatalaga ng safety officer. Ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng coaches at teachers gayundin ang coordination sa event owner at local government unit ay mahalaga upang para sa consistent monitoring at agad na matugunan ang anomang emergency situation.

Kaysa walang kwentang “waiver” ang pagtuunan ng pansin ng ilang eskuwelahan, ang maayos na planning, risk management, at pagpapatupad ng safety and health measures ang dapat isagawa upang mabawasan ang risk level at maprotektahan ang buhay ng ating mga estudyante mula sa nakaumang na aksidente.

Sa bawat school activity tulad ng sports, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang pagkapanalo sa kompetisyon kundi ang ligtas na pag-uwi ng bawat estudyanteng kalahok at manlalaro.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here