MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Huwebes na wala pang pinal na desisyon kung sino ang mamumuno bilang presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatakdang isagawa sa susunod na buwan.
Sa isang press conference, sinabi ni Gatchalian na pag-uusapan pa ng Senado ang pagpili ng presiding officer. Aniya, “Right now, as it stands, I will preside [over the trial].”
Ito ay matapos sabihin ni Sen. Panfilo Lacson na napagkasunduan umano ng majority bloc na italaga si Sen. Francis Escudero bilang presiding officer kapag muling nagtipon ang impeachment court.
Noong Hunyo 3, binago ng mayorya sa Senado ang impeachment rules upang payagan ang kapulungan na pumili ng ibang presiding officer para sa mga impeachment trial na hindi laban sa pangulo.
Ayon sa Konstitusyon, ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang namumuno sa impeachment trial ng isang pangulo. Sa mga naunang kaso, si dating Senate President Juan Ponce Enrile ang namuno sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Iginiit din ni Gatchalian na kailangan pa rin ang 16 na boto upang mahatulan si Duterte at sinabi niyang ayaw niyang pangunahan ang magiging hakbang ng prosecution panel.
Samantala, nagsagawa na ng pre-impeachment trial conference ang legal team ni Duterte at ang House prosecution panel bilang paghahanda bago pormal na simulan ng mga senador-hukom ang paglilitis. RNT/MND