MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Huwebes na hindi maaaring magsilbing senator-judge si Jinggoy Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang siya ay suspendido.
Nauna nang ipinataw ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension kay Estrada kaugnay ng kasong graft na may kinalaman sa umano’y flood control corruption scandal.
Iginiit ni Estrada na hindi siya dapat suspendihin dahil hindi pa umano niya lubos na nagagamit ang pagkakataong kuwestiyunin ang naging proseso ng preliminary investigation.
Ayon kay Gatchalian, kasama sa suspensyon ang lahat ng tungkulin ng isang senador, kabilang ang pagiging hukom sa impeachment trial.
“From what I understand, pag suspended ka as senator, kasama na ro’n yung being a senator judge. So the suspension… carries with it all the responsibilities as a senator, including becoming a senator-judge,” ani Gatchalian.
Dagdag niya, susundin ng Senado ang mga naunang legal na praktis kaugnay ng ganitong sitwasyon at patuloy pa nilang tatalakayin ito kasama ang kanilang legal team.
Muli ring sinabi ni Gatchalian na kailangan ang 16 na boto upang mahatulan si Duterte sa impeachment trial, ngunit hindi niya nais pangunahan ang mga magiging hakbang ng prosecution panel. RNT/MND