RAMON, Isabela – Posibleng ang banta ng El Niño ang dahilan ng patuloy na pagbaba ng tubig o water elevation ng Magat Dam dahil sa kakulangan ng pag-ulan at mababang inflow ng tubig, na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng patubig para sa mga magsasaka at maging dahilan ng pagkaantala ng kanilang pagtatanim ngayong wet crop season.
Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), nitong nakalipas na araw ay umabot sa 167.32 metro ang water elevation ng Magat Dam, ngunit ngayong Hunyo 26, 2026 (8:00 a.m.) ay nasa 167.03 metro na lamang ito. Aniya, nasa 20 hanggang 25 cubic meters per second lamang ang pumapasok na tubig kumpara sa 130 hanggang 150 cubic meters per second na inilalabas nito, dahilan upang magpatuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa dam.
Batay sa pagtaya ng NIA-MARIIS, maaari umanong maabot ang critical elevation na 160 metro pagsapit ng mga darating na araw o Hulyo 4, 2026.
Kung kaya’t maaaring maranasan ang tagtuyot dahil hindi na mapapagana ang ilan sa mga canal ng dam na nagsusuplay ng tubig sa mga sakahan.
Pinangangambahang higit na maapektuhan ang mga magsasakang nakikinabang sa Balikatan Diversion Dam, lalo na ang mga hindi pa nakapagtatanim.
Pinapayuhan ng pamunuan ng NIA-MARIIS ang ilang magsasaka na ipagpaliban muna ang pagtatanim upang maiwasan ang malaking gastusin bunsod ng kakulangan sa tubig. Inirerekomenda rin nila ang pagtatanim ng mga high-value crops gaya ng mais na hindi nangangailangan ng maraming patubig.
Aniya, ang pinakamababang water elevation na naitala ng kanilang tanggapan ay 157 metro, ngunit posible itong malampasan kung magpapatuloy ang kawalan ng sapat na ulan sa watershed ng dam.
Matapos ang pakikipag-ugnayan ni Engr. Dimoloy sa Department of Agriculture (DA) Region 2 para sa pagsasagawa ng cloud seeding upang makatulong sa pagdagdag ng suplay ng tubig, agad itong naaprubahan, kaya’t posibleng simulan sa unang linggo ng Hulyo matapos makuha ang mga kinakailangang patnubay o clearance.
Dagdag pa ni Dimoloy, malaking epekto ng El Niño ang nararanasan sa kasalukuyan kaya nagsasagawa sila ng mga mitigating measures tulad ng Alternate Wetting and Drying upang mabawasan ang konsumo at pagpapakawala ng tubig mula sa dam.
Babala niya, kung bababa pa sa 155 metro ang water elevation ng Magat Dam, maaari nang lumitaw ang mga bahagi ng ilalim ng dam na natatakpan ng tubig.
Hindi umano nakatulong sa pagtaas ng tubig ang mga pag-ulang naranasan nitong nakalipas na mga araw dahil nasisipsip lamang ito ng lupa at hindi umaabot sa mga ilog na nagsusuplay ng tubig sa reservoir.
Maliban sa mga magsasaka, apektado na rin ang mga nagmamay-ari ng fish cage dahil sa nangangamatay na tilapia o fish kill sa bahagi ng nasabing dam. Rey Velasco