Home NATIONWIDE Ateneo team-building, pansala sa final UAAP roster—DILG

Ateneo team-building, pansala sa final UAAP roster—DILG

3
0

MANILA, Philippines – Ginamit umano ang team-building activity ng Ateneo sa Dipaculao, Aurora na ikinasawi ng mga manlalarong sina Rene Baterbonia at Divine Adili bilang batayan sa pagpili ng final University Athletic Association of the Philippines (UAAP) roster, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG Assistant Secretary for Legal and Legislative Affairs Brian Mey R. Tomas, natuklasan ng mga imbestigador na requirement umano ang naturang aktibidad para sa mga manlalarong nais mapabilang sa koponan. Sa 20 atletang dumalo sa training camp, 17 lamang ang inaasahang maisasama sa final UAAP lineup.

“The supposed team-building activity conducted in Aurora was precisely made to determine which members of the team would make it to the final list submitted by Coach Tab Baldwin to the UAAP,” ani Tomas.

Dagdag niya, batay sa testimonya ng mga testigo, kabilang si assistant coach Louie Alas, layunin ng kampo na sukatin ang physical condition at mental toughness ng mga manlalaro, at hindi lamang ang kanilang husay sa basketball.

Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na alam umano ni head coach Thomas Anthony “Tab” Baldwin na may hindi bababa sa limang manlalaro ang hindi marunong lumangoy bago itinuloy ang seawater training.

“Nakaplano na ang seawater training nila at tinanong niya, ang mga hindi marunong lumangoy? Lima ang nagsabi na hindi sila marunong. Noong nalaman niya na hindi marunong lumangoy, binigyan niya ng information kung paano mag-handle ng rip currents,” ani Remulla.

“So, alam niyang hindi marunong lumangoy, tinuruan niya pa rin paano mag-handle ng rip current so alam talaga niya. He was on full knowledge that this could possibly happen,” dagdag niya.

Nauna nang inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng reklamo laban kay Baldwin at 10 iba pa dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act. Nasa Department of Justice na ang rekomendasyon para sa pagsusuri kung may probable cause.

Samantala, sinabi ng Ateneo na iginagalang nito ang rekomendasyon ng CIDG at naniniwalang patas na masusuri ang mga ebidensya. Humingi rin ng paumanhin si Baldwin sa pamilya ng mga biktima.

“I’m sorry. To the depth of my being, I’m sorry,” ani Baldwin.

Sinabi naman ni Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap na patuloy na susuportahan ng unibersidad ang mga pamilya ng dalawang nasawing manlalaro. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here