Home NATIONWIDE US Embassy nagbabala sa Pinoys vs visa scam

US Embassy nagbabala sa Pinoys vs visa scam

4
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang United States Embassy sa Pilipinas sa mga Pilipinong nag-aaplay ng U.S. visa laban sa mga scammer na nagsasabing kaya nilang tiyakin ang pag-apruba ng visa, at iginiit na tanging mga consular officer lamang ang may kapangyarihang magpasya matapos ang wastong pagsusuri ng aplikasyon.

Sa advisory na inilathala sa opisyal nitong social media pages, pinaalalahanan ng embahada ang mga aplikante na kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal na website ng gobyerno ng Estados Unidos at umiwas sa mga taong nag-aalok ng shortcut o garantisadong pag-apruba ng visa.

“We cannot guarantee visa issuance. If someone guarantees you a visa, it is a scam,” ayon sa embahada.

Nilinaw rin ng embahada na hindi ito nakikipag-ugnayan sa mga aplikante sa pamamagitan ng Viber o Telegram, hindi nag-eendorso ng travel agencies o mga abogado, at hindi nagbibigay ng espesyal na koneksiyon o shortcut sa pagkuha ng visa.

Ayon pa rito, ang mga opisyal na email ng embahada ay nagtatapos lamang sa @state.gov o @ustraveldocs.com. Pinayuhan din ang mga aplikante na gamitin lamang ang opisyal na website ng embahada, U.S. Visa Customer Service Center, at U.S. Department of State para sa tamang impormasyon hinggil sa visa application.

Bahagi ang paalala ng #WalangSikreto campaign ng embahada na nagtataguyod ng transparency sa proseso ng pagkuha ng U.S. visa.

“No Secrets. No Exceptions. No Tolerance for Fraud,” dagdag nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here