HABANG tinitipa ito, mga Bro, may natagpuan nang 81 patay, 1,315 nasugatan at may 31 missing sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao na naganap dalawang linggo na ang nakararaan.
Kung pagsama-samahin ang natagpuan nang patay at missing na ipagpalagay na nating wala nang pag-asang matatagpuang buhay, masasabing maliit ang bilang ng naperwisyong buhay.
Maliit kung ikukumpara sa magnitude 7.8 ding lindol noong 1990 sa Cabanatuan City at Baguio City na kumitil ng 2,412 buhay at missing na nasa 200-300 katao.
Ngunit hindi dapat ito maliitin kundi alalahanin na maperwisyo talaga ang malakas na lindol.
Isipin pang may naapektuhang nasa 1,636,796 individwal o nasa 383,000 pamilya sa mga rehiyong IX, XI, XII, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
At kapag naapektuhan, iniisip natin ang 87,000 kataong nawalan ng tahanan dahil sa 87,000 nasiraan ng bahay, kasama ang 15,000 bahay na lubos na gumuho o nasira.
Kaya libo-libo ang mga nasa evacuation center, kasama ang mga nasa mga kamag-anak o mga may magagandang-loob na kumukupkop sa kanila.
Tinatayang nasa P1.35 bilyon ang tinatayang halaga ng nasirang mga ari-arian, pribado at pampubliko, ngunit habang nagtatagal, higit dito ang nasira kapag isinama na natin ang mga eskwela.
Ang mga pag-aari ng gobyernong nasirang ari-arian, hindi gaanong problema dahil magagawan ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga buwis na ibinabayad ng taumbayan, kasama na ang mga naperwisyong mamamayan.
Ngunit ang mga karaniwan at pribadong ari-arian ng mga mamamayan, paano?
Sa liit ba naman ng kinikita ng higit na nakararaming pamilya, tiyak na taon ang abutin bago muli sila makapagpundar ng kanilang masisilungan, istruktura, puhunan at kagamitang mapagkakikitaan?
PROGRAMANG RECOVERY
Ano-ano na ba ang mga programa, lalo na sa parte ng pamahalaan, upang masalo sa gutom, uhaw, paghihirap at pagkasira ng kinabukasan ng lahat ng naapektuhan sa lindol?
Ang totoo, lahat na ng ahensya ng pamahalaan ay kumikilos para matugunan ang nasabing mga problema.
Bukod sa pagbangon sa mga nasirang istruktura, kasama ang mga pag-aari ng pamahalaang lokal at nasyunal, naririyan na ang pakikipaglaban sa kawalan gaya ng paggamit ng mga calamity fund, suspensyon ng pagbabayad ng mga utang at pagpapautang muli sa kanila para sa pabahay, pansamantalang pagkakitaan, pagtatayo ng matagalang mapagkakakitaan, feeding at health program, at marami pang iba.
Ngunit hanggang kailan magtatagal ang pag-aayuda sa kanila ng pamahalaan?
MGA KABATAAN
Ang kalagayan ng mga kabataan ang isa sa mga pinakamahalagang dapat pagtuunan ng pansin.
May 3.2 milyong estudyante ang naapektuhan sa pag-aaral na nasa 6,200 eskwela na naapektuhan din, kabilang ang nasa 2,600 klasrum na ganap na nasirang public at private schools.
Tinatayang aabot sa kabuuang halagang P13 bilyon ang kailangan sa pagtatayo ng mga bagong klasrum at pag-repair at kasama na rito ang paggawa ng mga nasira ring mga upuan, lamesa at iba pa.
Alalahaning mula sa preparatory at kinder hanggang elementarya, haiskul at kolehiyo ang pinag-uusapan dito.
At ang mga kabataan pa man din ang inaasahang pag-asa ng bayan sa hinaharap.
Ang mga matagalan at malawak na aksyon ng pamahalaan para sa edukasyon at kabataan, nasaan naman?
Page 1 of 1






