Home OPINION BAYANG SINASALAULA

BAYANG SINASALAULA

2
0

TINGNAN n’yo ang ating paligid, naniniwala pa ba kayong matiwasay pa? Kaliwa’t kanan ang krimen, patayan at droga.

Maging ang mga paaralan na ligtas dapat para sa mga estudyante ay nababalot ng ligalig. Ang mga bata ay nagbabarilan at nagsasaksakan.

Kasi, ang matatandang politiko o mga lider ng bansa na dapat ay maging ehemplo ay punom-puno rin ng poot. Patuloy sa pag-aaway at wala silang pag-uusap na maayos. Hindi maabot ang mga karaniwang aksyon upang malutas ang lumalalang problema sa bansa. Kaya ang bansa ay patuloy sa paglubog na mistulang malaking bato sa gitna ng dagat.

Maging ang social media ay naging isang maruming plataporma kung saan makikita at mababasa ang hukbo ng mga troll ng naglalabang pwersa. Araw-araw, mababasa ang palitan ng masasakit na salita na puno ng paninirang-puri. Naging ‘venue’ ng fake news.

Sa kasamaang palad, natatabunan ng social media ang mainstream o tradisyonal na media. Higit dito, nawala na rin ang tiwala ng taumbayan sa kanila dahil karamihan ng traditional media ay hindi gumaganap bilang isang epektibong tagapamagitan ng mga naglalabang posisyon ng partisan. Halata ang karamihan na kumikiling sa isang panig kaya naaakusahang bayaran.

Sa Kamara at Senado, hindi magkasundo ang mga miyembro at ang institusyon ay naging malaking paksa para sa pagsalaula sa mga batas na ito mismo ang lumikha. Naging isang lugar din ang dalawang kapulungan ng Kongreso para magkawatak-watak ang mga taong nakamasid at umaasa sa kanila.

Hindi na ito lugar ng mga mahuhusay na mambabatas, sa halip, naging pwestuhan ng mga “tau-tauhan” ng mas makapangyarihan para sa kanilang laro sa pulitika.

Wala na silang pakialam sa interes at ikabubuti ng bansa. Ang interes nila na pansarili ang pinakamahalaga sa kanila.

Masisisi ba ang taumbayan na magtungo sa mga lansangan, partikular na sa EDSA People Power Monument upang isigaw ang kanilang protesta?

Sa nakaraang sorpresang pagbaha ng libo-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo sa EDSA, malinaw na hindi naman para protektahan ang iisang tao kaya idinaos ang protesta.

Ang dahilan ay ang malalim na pakiramdam na ang napakalaking iskandalo sa imprastraktura ay garapal na pinagtatakpan upang isalba ang ulo ng mga sangkot sa kurakutan.

Nais lamang ng mga tao na ang mga magnanakaw sa pondo para sa serbisyo at gawaing pampubliko ay makulong at maparusahan.

Ngunit ano ang ginagawa ng pamahalaan? Winawatak-watak nito ang sambayanan at sinasalaula ang bayan upang sila ay hindi mapanagot.

Malinaw ang kanilang adyenda. Gusto nila na magulo ang bayan, para tuloy ang kapit ng mga hinayupak sa pwesto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here