CEBU, Philippines – Aabot sa mahigit P8.59 milyong utang sa amortisasyon ng lupa ng 166 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa hilagang Cebu ang pinawalang-bisa ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng patuloy na pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act.
Kaugnay nito namahagi ang DAR Cebu Province ng 206 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) na sumasaklaw sa 172.5898 ektarya ng lupang sakahan sa mga kuwalipikadong benepisyaryo sa Don Celestino Martinez Sr. Sports Complex, Bogo City.
Sa pamamagitan ng COCROM, tuluyan nang pinawawalang-bisa ang hindi pa nababayarang amortisasyon sa lupa, kabilang ang mga naipong interes at surcharge. Dahil dito, ganap nang mapapasakamay ng mga benepisyaryo ang pagmamay-ari ng kanilang mga lupang sinasaka nang wala nang nakaambang obligasyong pinansyal.
Bahagi ito ng patuloy na pagpapatupad ng Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act sa ilalim ng pamumuno ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III, bilang pagtitiyak ng ahensya sa mas matatag na karapatan ng mga ARB sa kanilang lupa at mas malaking pagkakataong mapaunlad ang kanilang pagsasaka at kabuhayan.
Dumalo sa programa sina DAR Region VII Regional Director Melvin Castor V. Silvestre at DAR Cebu Provincial Agrarian Reform Program Officer II Christian Louis G. Luna, kasama ang iba pang opisyal at kawani ng DAR. Kinatawan naman ni Antonieto “Max” Suico ang pamahalaang lungsod ng Bogo at ipinaabot ang suporta nito sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11953, inaalis ang hindi pa nababayarang amortisasyon sa lupa at iba pang kaugnay na bayarin ng mga kuwalipikadong ARBs. Dahil dito, mas mailalaan nila ang kanilang kita sa pagpapalago ng kanilang sakahan at pagpapabuti ng kabuhayan.
Sa pagpapatuloy ng pagpapatupad ng batas, patuloy na pinalalakas ng DAR ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa ng mga benepisyaryo at isinusulong ang mas masigla at produktibong sektor ng agrikultura sa bansa. (Santi Celario)