Home OPINION IMBESTIGASYON SA P1.7T FLOOD CONTROL SCAM, NASAAN NA?

IMBESTIGASYON SA P1.7T FLOOD CONTROL SCAM, NASAAN NA?

2
0

KAHAPON nagtapos ang tatlong araw na paglilitis sa loob ng isang linggo sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Batay sa mga balita sa Senado, sa umaga bawat araw ng sesyon mula sa Lunes hanggang Huwebes, magtatrabaho bilang senador ang mga senador at magtatrabaho naman sila bilang senator-judges sa hapon para sa paglilitis ng Impeachment Court mula Lunes hanggang Miyerkules.

Nangangahulugang may panahon ang mga senador para sa ibang mga usaping napakahalaga sa sambayanan at kabilang dito ang paghahanap ng katotohanan at pananagutan sa pinakamalaking nakawan sa kaban ng bayan sa kasaysayan ng Pinas.

Kaugnay nito, isa sa pinakahuling salita mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang ginawa na pagbubukas ng usapan sa P1.7 trilyong kikbakan sa flood control scam.

At binatikos nito si dating Pang. Digong Duterte sa kawalan nito ng ginawa noong panahon nito.

Ginawa ni Marcos ang mga pahayag o reaksyon sa batikos sa kanya ng iba na may papel siya sa pagtatakip sa imbestigasyon at kabilang sa pantakip ang ngayo’y impeachment.

Para sa atin, dahil sa kanyang mga pahayag, itinutulak msimo ng Pangulo ang Senado na ipagpatuloy ang nadiskaril na imbestigasyon sa flood control scam.

Kaya naman, dapat isingit ito sa mga araw na hindi abala ang Senado sa paglilitis sa impeachment.

Ang Kamara, wala nang pag-asa na talakayin ang flood control scam lalo’t lumilitaw na maraming kongresman ang sangkot dito at nagdeklara na mismo ang mga maimpluwensyang kongresman na sila ang pinatutungkulan mismo ni Pang. Bongbong ng salitang “Mahiya naman kayo” minsan sa isa niyang State of the Nation Address.

Ang Senado na lang ang pag-asa na makapagbubukas ng pinagtatakpang kikbakan na pinatunayan ng delivery ng male-maleta at bag-bag na salapi sa pinakamatataas na mga opisyal ng gobyerno.

O kayong mga senador, paano ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here