MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa pribadong sektor sa National Capital Region na ipatutupad sa Hulyo 25 ang unang bahagi ng ₱85 arawang dagdag sa minimum wage.
Sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na unang ipatutupad ang ₱60 wage increase kasunod ng opisyal na paglalathala ng NCR Wage Order No. 27 noong Hulyo 9.
Ang natitirang ₱25 ay magkakabisa sa Enero 20, 2027, upang makumpleto ang tinaguriang pinakamalaking isang-bagsakang daily wage adjustment na inaprubahan sa Metro Manila.
Kapag ganap nang naipatupad, tataas sa ₱780 ang arawang minimum wage sa NCR.
Samantala, ang mga manggagawa sa agriculture sector, service at retail establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing firms na may mas mababa sa 10 regular workers ay makatatanggap ng arawang minimum wage na ₱743.
Nagbabala si Tolentino na maaaring mapatawan ng parusa ang mga employer na hindi susunod sa bagong wage order.
“There are penalties for that. But in Metro Manila, the NCR, the compliance rate is almost 94-95%. It’s followed right away. So that’s our monitoring for the past wage hikes last year,” aniya.
Hinimok din niya ang paggamit ng collective bargaining agreements upang tugunan ang posibleng wage distortion sa mga empleyadong kumikita nang mas mataas sa minimum wage.
Dagdag ni Tolentino, nagpapatuloy pa ang wage adjustment process sa ibang rehiyon habang isinasagawa ng mga regional wage board ang kanilang pagsusuri at konsultasyon. RNT