Home METRO 321 pamilyang nasunugan sa Tondo, inayudahan ng Manila LGU

321 pamilyang nasunugan sa Tondo, inayudahan ng Manila LGU

3
0

MAYNILA – Patuloy ang pagtugon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), sa mga residenteng naapektuhan ng sunog na sumiklab noong Hulyo 14 sa Barangay 163 at Barangay 152 sa Tondo.

Batay sa final report ng District Welfare Office II, umabot sa 321 kabahayan ang naapektuhan ng sunog, kung saan 272 ang tuluyang naabo at 49 ang bahagyang napinsala.

Sa Barangay 163, naitala ang 311 apektadong pamilya na binubuo ng 1,190 indibidwal, habang 10 pamilya o 41 indibidwal naman ang naapektuhan sa Barangay 152. Sa kabuuan, 321 pamilya o 1,231 katao ang naapektuhan ng insidente.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga lumikas sa evacuation center sa Lakandula High School, kung saan agad na namahagi ang pamahalaang lungsod ng mainit na pagkain (hot meals) para sa mga biktima.

Kasabay nito, tiniyak ni MDSW Chief Jay Reyes Dela Fuente na ang lokal na pamahalaan ay tuloy-tuloy ang isasagawang pamamahagi ng financial assistance, food boxes, family kits, at iba pang kinakailangang ayuda upang matulungan ang mga pamilyang makabangon at makapagsimulang muli.

Sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, sisikapin ng lungsod na maihatid ang kinakailangang tulong at suporta sa bawat pamilyang naapektuhan ng sunog.

Nagsimula ang sunog dakong 4:03 ng hapon at idineklarang fire out bandang 7:16 ng gabi matapos umabot sa ikalimang alarma. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here