Home TOP STORIES UN: Higit 500 katao, pinangangambahang nasawi sa dalawang paglubog ng bangka sa...

UN: Higit 500 katao, pinangangambahang nasawi sa dalawang paglubog ng bangka sa Myanmar

3
0

GENEVA, Switzerland — Nagbabala ang United Nations (UN) na mahigit 500 katao ang pinangangambahang nasawi matapos ang iniulat na dalawang malaking paglubog ng bangka sa karagatan ng Myanmar mula noong huling bahagi ng Hunyo.

Sa magkasanib na pahayag ng International Organization for Migration (IOM) at United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), sinabi nilang nakatanggap sila ng mga ulat na dalawang bangkang may sakay na mahigit 500 katao ang posibleng lumubog.

Batay sa paunang impormasyon, umalis ang dalawang bangka mula sa Rakhine State sa Myanmar noong huling bahagi ng Hunyo at karamihan sa mga sakay ay kabilang sa Muslim Rohingya minority. May ilan ding nagmula sa mga refugee camp sa Cox’s Bazar, Bangladesh.

Ayon sa ulat, ang unang bangka na may tinatayang 250 pasahero ay nawalan ng komunikasyon matapos umalis. Samantala, ang ikalawang bangka na may humigit-kumulang 280 katao ay pinaniniwalaang lumubog sa baybayin ng Ayeyarwady noong Hulyo 8.

Bagama’t hindi pa opisyal na nakukumpirma ang insidente at bilang ng mga nasawi, sinabi ng UNHCR at IOM na labis silang nababahala sa posibleng malaking bilang ng mga biktima.

Binigyang-diin ng dalawang ahensya na isinagawa ang mga paglalayag sa panahon na karaniwang mapanganib ang kondisyon ng dagat dahil sa malalakas na ulan at pagbaha sa rehiyon.

Kung makukumpirma ang insidente, sinabi ng UN na madaragdag ito sa halos 300 katao na naitalang nawawala o namatay sa Andaman Sea at Bay of Bengal ngayong taon.

Ayon sa UN, patuloy na isinusugal ng maraming Rohingya ang kanilang buhay sa mapanganib na paglalayag upang makatakas sa kaguluhan sa Myanmar at matinding kahirapan sa mga refugee camp sa Bangladesh. Sinamantala rin umano ng mga human trafficking at smuggling syndicate ang kanilang desperadong kalagayan.

Nanawagan ang IOM at UNHCR ng mas pinaigting na search and rescue operations, mas malawak na proteksyon para sa mga refugee, at mas mahigpit na aksyon laban sa mga grupong sangkot sa human trafficking at smuggling. Hinikayat din nila ang pandaigdigang komunidad na ipagpatuloy ang suporta sa mga Rohingya refugee at sa mga bansang tumatanggap sa kanila. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here