CEBU, Philippines – Posibleng matapos na ang anim na buwang problema ng Cebu City sa pagtatapon ng basura matapos ipahiwatig ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maaaring magbukas muli ang Binaliw sanitary landfill sa loob ng ilang linggo.
Ayon kay Mayor Nestor Archival, sinabi ng DENR sa pulong noong Linggo na handa nang magbukas ang landfill matapos makumpleto ang bagong disposal cell at mabuo ang multi-partite monitoring team (MMT) na magbabantay sa operasyon nito.
“We expect that in the next few weeks, it will reopen because it’s already ready,” aniya.
Kapag nagbukas na ang Binaliw, hindi na kakailanganing dalhin ang lahat ng basura ng lungsod sa Aloguinsan, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱4.2 milyon kada araw.
“We’re spending about ₱4.2 million a day,” dagdag niya.
Ayon sa DENR, kailangan lamang tiyakin ng lungsod ang pagsunod sa memorandum nito, kabilang ang operasyon ng MMT.
Mananatili rin ang South Road Properties (SRP) transfer station bilang pansamantalang pasilidad sa oras ng emerhensiya, gaya ng pagsasara ng mga kalsada. Ayon kay Archival, mungkahi ito ng DENR. Ang bagong transfer station ay magkakaroon ng konkretong sahig at nakasarang pader upang maiwasan ang pagtagas ng leachate at pagkalat ng masamang amoy.
Matatandaang isinara ang Binaliw landfill matapos ang pagguho ng tambak ng basura noong Enero 8 na ikinasawi ng 36 katao. Dahil dito, napilitan ang Cebu City na maghakot ng basura sa Aloguinsan, na maaaring magpataas ng taunang gastos sa waste management sa ₱1.2 bilyon, higit doble sa ₱517 milyong nakalaang badyet.
Bagama’t bahagyang inalis na ng DENR ang cease-and-desist order noong Mayo, naantala ang muling pagbubukas ng landfill dahil sa mga pangamba sa kaligtasan. Ngayon, matapos makumpleto ang mga kinakailangang kondisyon, inaasahang magbubukas na muli ang Binaliw sa loob ng ilang linggo. RNT/MDS