Home NATIONWIDE UPLIFT pinalawak ni PBBM, dagdag-ayuda para sa mga Pilipinong mababa ang kita

UPLIFT pinalawak ni PBBM, dagdag-ayuda para sa mga Pilipinong mababa ang kita

6
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,araw ng Huwebes ang pagpapalawak ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance program, na magbibigay ng karagdagang ayuda sa milyun-milyong Pilipinong mababa ang kita na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa isang recorded video message, sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga pamilyang Pilipino na makayanan ang tumataas na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

“Kapag tumataas ang gastusin, mas bumibigat ang pasanin ng bawat pamilyang nagsisikap tugunan ang kanilang pangangailangan, lalo na ang mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan,” ani Pangulong Marcos.

Batay sa Executive Order No. 110 na lumikha ng UPLIFT program, inilunsad ng pamahalaan ang UPLIFT Assistance, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 7.5 milyong kabahayan o tinatayang 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa.

“Pangungunahan ang programang ito ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan,” dagdag ng Pangulo.

Sa ilalim ng pinalawak na programa, ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay tatanggap ng isang beses na karagdagang cash assistance na hanggang P2,000.

Magbibigay din ang pamahalaan ng ayuda sa 2.5 milyong mahihirap at near-poor na kabahayan na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS), gayundin sa 1.5 milyong manggagawang mababa ang kita at kanilang mga pamilya na beripikado sa database ng Social Security System (SSS).

Ang mga benepisyaryo sa ilalim ng CBMS at SSS ay makatatanggap ng PhP2,000 bawat buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.

“Layunin ng UPLIFT Assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan,” ayon kay Pangulong Marcos.

Tiniyak din ng Pangulo na mabilis, maayos, at maginhawa ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng mga digital na sistema.

“Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, mapapanatili natin ang katatagan ng ating bansa at maisusulong ang isang mas maunlad na kinabukasan para sa lahat sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas,” ani Pangulong Marcos. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here