MANILA, Philippines – Sinabi ng dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na ang tinatawag na “Operation Romanov” ay umano’y plano laban sa pamilyang Marcos at hindi kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Santiago, unang binanggit ang “Oplan Romanov” ni Davao City Mayor Baste Duterte sa isang forum sa Davao noong Enero 2024. Aniya, binalaan noon ni Baste si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isipin ang “Romanov” at ang sinapit ng pamilya Marcos noong 1986 matapos mapatalsik sa People Power Revolution.
Nagulat umano si Santiago nang banggitin ng vlogger na si Princess Maui ang “Oplan Romanov” sa online press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024 bilang umano’y banta sa buhay ng bise presidente.
“Oplan Romanov was Baste’s warning to the president and to the first family. Why did it become VP Sara’s? It’s not VP Sara’s,” ani Santiago.
“Then you see VP Sara, she herself said that this is the second time I heard about Romanov,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Santiago na inimbestigahan din ng NBI ang umano’y mga banta sa buhay ni Duterte, ngunit nanatili lamang umano itong alegasyon dahil hindi nakipagtulungan ang kampo nito sa imbestigasyon.
“We investigated that too. But then, what he says is threats to him remains an allegation. They don’t want to cooperate with us, at least give us a tip on who it is, who they think is (threatening her life),” aniya.
Sinabi rin niyang handa siyang tumestigo sa Senate impeachment court tungkol sa isyung ito.
Samantala, sinabi ng NBI sa pagdinig ng impeachment na may kakayahan umano si Duterte na isakatuparan ang kanyang mga banta laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Iginiit naman ng kampo ni Duterte na maghahain sila ng mga testigo upang patunayan ang umano’y pag-iral ng “Operation Romanov” bilang planong patayin siya at ang pamilya Duterte.
Inaasahan namang tumestigo si NBI Director Melvin Matibag sa Hulyo 21 bilang huling testigo ng prosekusyon para sa Article IV ng impeachment complaint. RNT/MDS