MAGANDANG pelikula ang impeachment trial ngunit maaaring magtagal o biglang titigil at ito ang marahil ang pinakaimportanteng usapin dito.
Alalahaning pinakasusi rito ang bilang ng senator-judges na magpanatili o manibak kay Vice President Sara Duterte sa pwesto, lalo na sa halalang 2028.
Kapag sa palagay ng prosecution at Malakanyang na mahihirapan silang kumuha ng sapat na boto para sibakin siya sa pwesto at madiskwalipika sa presidential election sa 2028, maaaring magtagal ang paglilitis para sirain at sirain ang ngalan ni VP Sara na magiging dahilan ng pagbulusok ng suporta sa kanya sa 2028.
Kapag makukuha nila ang sapat na boto para sibakin siya sa pwesto at madiskwalipika, hindi magtatagal ang impeachment.
Baka bukas makalawa, tulad ng pag-aatras ng prosekusyon ng marami nilang testigo sa Article 4, hindi na rin nila itutuloy ang na litisin ang Article 1, 2 at 3.
Pinakaproblema sa prosekusyon ang pagkamit ng 16 na boto mula sa senator-judges na kinuwentang 2/3 ng lahat ng senador, ayon sa Konstitusyong 1987, Article 11 (6) at diniinan ito ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero.
May pasubali nga lang si Escudero sa pagsasabing ang Supreme Court lang ang makapagsasabi ng ibang kahulugan ng nasabing tadhana ng Konstitusyon.
Kaya maaaring may magsampa ng petisyon sa Supreme Court para gumawa ng ibang pakahulugan sa harap ng pagtatago ni Senator Bato dela Rosa, pagkakulong nina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada at posibleng pagkakulong o pagtatago ng iba pang mga senador sa iba’t ibang kadahilanan.
Maaaring isabay rito ang pagpwersa sa mga pro-VP Sara na kumampi sa prosekusyon sa anomang paraan.
Maaari ring may maghuhudas pa sa kanya at tuloy-tuloy na mamalasin si VP Sara hanggang sa makulong siya sa iba’t ibang kasong kriminal na isasampa laban sa kanya.
Paano?






