MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malakanyang ang alegasyon ni Senador Alan Peter Cayetano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Malakanyang, ang mga alegasyong ito ay walang basehan at ginagawa na lamang ito ni Cayetano para mailigtas ang sarili sa kahihiyan.
Sa pahayag, binweltahan ni Palace Press Officer Claire Castro si Cayetano sa pang-iintriga at pagsasabi ng mga walang basehang paratang upang mailipat ang sisi sa halip na akuin ang responsibilidad sa mga sariling pagkukulang.
“Bakit hindi kaya makapagpigil sa sarili si Sen. Alan Cayetano sa paggawa ng intriga at mga kwentong walang basehan,” ani Castro.
Ang pahayag nito ay kasunod ng sinabi ni Cayetano na kinontra umano ni Marcos ang planong mamigay ng P10,000 tulong sa mga Filipino na nagrerekober pa lamang sa epekto ng COVID-19 pandemic noong 2022.
Inihalintulad ni Castro ang mga aksyon ni Cayetano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Si Senator Alam, imbis na ituro ang sarili sa kanyang kapabayaan sa pagtatrabaho, magtuturo siya ng iba masagip lang ang sarili sa kahihiyan,” ani Castro.
“Ang trabaho niya na di niya magampanan ay ipapasa sa iba. Ebidensya ang ibibigay namin panlaban sa mga kasinungalingan ni Sen. Alan,” dagdag pa nito.
Magpipresenta ang Palasyo ng ebidensya para pabulaanan ang mga kasinungalingan ni Cayetano. RNT/JGC