MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na hinigpitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang patakaran sa panghuhuli ng blue swimming crab o alimasag, bilang pagtataya na ang pangangalaga ng yamang-dagat ngayon ay magseseguro sa pandaigdigang pamilihan, po-protekta sa marine biodiversity, at titiyak ng pangmatagalang kaunlaran ng isa sa pinakamahalagang industriya ng pangingisda sa bansa.
Sa ilalim ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 277, ipinatutupad ang mga bagong hakbang para sa panghuhuli ng alimasag, kabilang ang pagtatakda ng 500 metrong maximum na kabuuang haba ng gillnet na maaaring gamitin sa operasyon ng pangingisda.
Kaugnay nito batay sa mga pag-aaral, malaki ang naitutulong ng limitasyong ito upang mabawasan ang hindi sinasadyang pagkakahuli ng mga marine mammal at iba pang protected, threatened, at endangered species, nang hindi naaapektuhan ang kahusayan ng pangingisda.
Inaayon din ng bagong regulasyon ang Philippine fishery sa mga itinakdang pamantayan ng US Marine Mammal Protection Act, na higit pang nagpapatibay sa reputasyon ng bansa bilang maaasahan at sustenableng supplier ng produktong-dagat, sa panahon kung saan lalong tinatangkilik ng pandaigdigang merkado ang mga responsableng supplier.
Inilabas ang kautusan sa panahong kinakaharap ng mga seafood exporter ang lalong humihigpit na sustainability requirements mula sa mga dayuhang mamimili, partikular sa Estados Unidos.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ipinakikita ng bagong polisiya ang matatag na paninindigan ng pamahalaan sa magkasabay na pagsulong ng pangangalaga sa kalikasan at paglago ng industriya.
“Ang industriya ng alimasag ay nagbibigay ng kabuhayan sa libu-libong mangingisda, processers, exporters, at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala sa ating mga pangisdaan, napangangalagaan natin ang ating yamang-dagat habang tinitiyak na patuloy na makatutugon ang mga produktong-dagat ng Pilipinas sa mataas na pamantayan ng mga pangunahing pandaigdigang merkado,” ani Tiu Laurel. “Ang sustainability ay hindi na lamang layuning pangkalikasan. Isa na rin itong mahalagang pangangailangan para sa negosyo.”
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng kautusan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng BFAR katuwang ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa pangisdaan, pagpapataw ng administratibong parusa sa mga lalabag, at mandatory na pagrerepaso ng polisiya kada tatlong taon upang matiyak na nananatili itong angkop sa kasalukuyang kalagayan ng sektor.
Binuo ang polisiya matapos ang malawak na konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan, mangingisda, processors, scientists, mga organisasyong pangkalikasan, at iba pang stakeholder.
Ayon kay BFAR National Director Elizer S. Salilig, mahalaga ang sama-samang pagkilos upang matiyak ang pangmatagalang tagumpay ng industriya.
“Sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala at aktibong pakikilahok ng mga komunidad ng mangingisda at mga katuwang sa industriya, mapangangalagaan natin ang ating yamang-dagat, maseseguro ang mga kabuhayan, at mapapanatili ang ating access sa pandaigdigang merkado,” ani Salilig.
Para naman kay Undersecretary for Fisheries Drusila Bayate, higit ding pinatitibay ng bagong kautusan ang posisyon ng Pilipinas sa isa sa pinakamahalagang pamilihan ng produktong-dagat. (Santi Celario)